top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Pagbabasa ng kabataan, ‘wag lang iasa sa mga guro, magulang umaksiyon din

  • Kuya Win Gatchalian
  • Nov 26, 2019
  • 2 min read

Ang pagbabasa ay isa sa mga matibay na pundasyon ng karunungan. Ito ay pangunahing kasanayan na dapat matutunan ng estudyante upang kanyang maunawaan ang mga aralin at maging matagumpay sa pag-aaral.

Dahil nagsisilbi itong batayan at haligi tungo sa malawak at malalim na pagkatuto ng mga mag-aaral, itinuturing itong napakahalagang adhikain kaya ginugunita tuwing ika-27 ng Nobyembre ang Araw ng Pagbasa sa mga elementary at high school sa buong bansa, batay sa Republic Act 10556.

Nakasaad dito na kinikilala at sinusuportahan ng ating bansa ang karunungan sa pagbabasa. Higit sa lahat, lubos na hinihikayat ang kamalayan at pagtataguyod ng kulturang Pinoy.

Ang kasanayan sa pagbabasa ay nakapagbibigay sa kabataan ng kaalaman, nagpapalawak ng bokabularyo at naghuhubog ng kaisipan.

Ayon sa United Nations, ang Pilipinas ang may pinakamataas na literacy rate kung saan 97.95 porsiyento ito kumpara sa Singapore, Brunei at Indonesia. Nakasaad dito na mayroong literacy rate na 98.9 porsiyento ang kababaihan at 97 porsiyento naman ang kalalakihan na may edad 15 hanggang 24.

Ngunit, hindi tayo dapat maging kampante. Kailangan pang magpatuloy ang kampanya sa pagpapalaganap ng impormasyon at panghihikayat ng kabuluhan ng pagbabasa para sa kabuuang pag-unlad ng mga mag-aaral.

Ang depekto at suliranin sa pagbabasa ay kadalasang nagmumula sa kakulangan sa pagkakalantad nila sa mga materyales tulad ng aklat, diyaryo, magasin at marami pang iba. Kaya ang resulta, hindi naeengganyong matuto ang estudyante at nawawalan ito ng pagtitiwala sa sarili.

Sa pagkakataong ito pumapasok ang tungkulin ng ating mga guro na gabayan at tulungang mahasa ang mga estudyante sa pag-intindi ng kanilang binabasa.

Ang maganda nito, mayroon silang iba’t ibang ginagamit na estratehiya sa pagtuturo upang makuha ang atensiyon ng mambabasa at epektibong matatak sa isipan ang binibigkas na mga salita o pangungusap.

Sa kabilang banda, may malaki ring parteng ginagampanan ang mga magulang sa pag-unlad ng bata sa pagbabasa at para rin madagdagan ang interes niya sa pag-aaral — taliwas sa pinanghahawakan ng ilan na sapat na ang mga guro at maging ang teknolohiya upang matuto ang mga mag-aaral.

Naniniwala tayong balanse dapat ito. Kaya naman, mahalaga ang suporta ng mga guro at magulang sa isa’t isa upang sila ay magtulungan na mahubog ang kakayahan ng mga bata na gawin ang anumang kumplikadong leksiyon o unawain ang mahihirap na babasahin.

Nais nating bigyang-diin ang importansiya ng pagkakaisa ng mga guro at pamilya ng estudyante dahil nakaiimpluwensiya ang kanilang hangarin sa interes at galing ng mag-aaral.

Anumang suliranin ang kahaharapin ng mga mag-aaral, ang mahalaga ay maipakita nating naroon tayo para sa kanila upang magturo, makinig at gumabay.

Patuloy sanang magtulungan ang pamahalaan, paaralan at mga magulang sa ating layunin na magkaroon ng progresibong lipunan sa pamamagitan ng maunlad at magandang kinabukasan ng kabataan.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page