Nanay sinasakal, sumaklolo.. Binata tinarakan ng step-dad
- Maeng Santos
- Nov 26, 2019
- 1 min read

Kritikal ang 36-anyos na lalaki matapos saksakin ng stepfather sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Ginagamot sa Tondo Medical Center sanhi ng saksak sa katawan si Gilbert Arizala, habang nahaharap sa kaukulang kaso ang suspek na si Ernesto Ronquillo, 60.
Sa ulat nina PSSg. Maedelio Osting at PSSg. Jose Romeo Germinal II kay Malabon Police Chief Col. Jessie Tamayao, alas-6:00 ng gabi nang masaksihan ng biktima na sinasakal ng suspek ang kanyang ina sa loob ng kanilang bahay sa Bgy. Baritan na naging dahilan upang awatin nito ang amain.
Gayunman, kumuha ng kitchen knife ang suspek at tinarakan sa katawan ang biktima at nang makita naman ni Robert Arizala, 34, ang pangyayari ay umawat ito saka sinunggaban ang hawak na patalim ni Roquillo.
Matapos nito, mabilis na isinugod ni Robert ang kanyang kuya sa nasabing pagamutan habang nadakip naman ang suspek ng rumespondeng mga tauhan ng PCP-7 sa pangunguna ni PEMS Randy Santiago.





Comments