Dapat gawin kung ayaw tanggapin ang pamana ng namatay
Dear Chief Acosta, Ako ay pinamanahan ng aking namayapang kapatid. Matapos kong pag-isipan nang mabuti ay napagdesisyunan ko na tanggihan ang kanyang pamana sa akin dahil mas kailangan ito ng kanyang mga anak. Ano ang kailangan kong gawin upang pormal na tanggihan ito? — Virgie
Dear Virgie, Dahil karapatan ng tao ang magpamana, ang tagapagmana ay may karapatan ding tanggapin o tanggihan ang ipinamana sa kanya at ito ay nakasaad sa batas.
Nakasaad din sa batas ang paraan ng pagtanggi sa pamanang ibinibigay. Ayon sa Article 1051 ng Civil Code:
“Article 1051. The repudiation of an inheritance shall be made in a public or authentic instrument, or by petition presented to the court having jurisdiction over the testamentary or intestate proceedings.”
Ayon sa nasabing batas, ang pagtanggi sa pamana ay ginagawa sa pamamagitan ng paggawa ng pampublikong dokumento na nagsasaad ng pagtanggi na tanggapin ang makukuhang pamana o sa pamamagitan ng petisyon na nagsaad ng nasabing pagtangging inihahain sa korte na nakasasakop sa pagdinig tungkol sa pagsasaayos ng naiwang ari-arian ng namayapa.
Kinakailangang gawin ito sa paraang nabanggit dahil mahigpit ang panuntunan sa pagtatakwil ng tatanggaping pamana dahil ito ay karaniwang itinuturing na hindi nakabubuti para sa tagapagmana.
Sa paggawa nito ay matitiyak na alam at naiintindihan ng taong nagtatakwil ng kanyang mana ang kanyang naging pasya.
Dahil dito, kung buo ang iyong loob na tanggihan ang pamana sa iyo ng iyong kapatid ay kinakailangan mong sundin ang paraang nabanggit na itinatakda ng batas upang pormal mong maipaalam at maipatupad ang pagtanggi mo sa pagkuha ng iyong pamana mula sa iyong namayapang kapatid.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.





Comments