Bagong istayl ng riding-in-tandem: Nawawala kuno, holdap ang kasunod

Mga ka-BULGAR, suportado ng inyong lingkod ang ginagawang one time, bigtime operation ng Philippine National Police (PNP), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at iba pang law enforcement groups sa mga pasaway na motorista, partikular na ang mga nakamotorsiklo. Ang gawaing ito ay bilang paghahanda sa gaganaping 30th Southeast Asian Games sa bansa, gayundin dahil malapit na ang Pasko.
Hindi pa man, umarangkada na ang dalawang demonyong lalaki na nakamotorsiklo dahil ayon sa nakausap nating parak ay gumagala ang mga suspek na ang modus ay magtanong ng lugar, na kapag sa tingin nila ay tolonges ang biktima na may hawak pang cellphone ay kanila itong tatanungin kunwari saka hoholdapin kung saan ang nakaangkas ang agad bababa at siyang tututok ng baril at magdedeklara ng holdap.
Kapag nakuha na ang pakay ay agad tatakpan nito ng basahan o face towel ang plaka ng motorsiklo para hindi sila makilala at agad tatakas. Tsk-tsk-tsk!
Kaugnay nito, nagbabala ang awtoridad sa taumbayan na mag-ingat dahil ang mga kawatan ay walang pinipiling araw at oras kapag sumasalakay, lalo na ngayong 29 araw na lang ay Pasko na at karamihan sa atin ay nakatanggap na o tatanggap pa lang ng kanilang Christmas bonus at 13th month pay, dahil nakaabang na ang mga hinayupak na namemerhuwisyo at nananamantala.
Sa mga ka-BULGAR natin d’yan, huwag kayong basta nagtitiwala sa mga taong lumalapit sa inyo at nagtatanong ng kung anu-ano lalo na kung nakamotorsiklo, dahil mga kawatan ang mga balasubas na ito.
Ang gawin ninyo, agad silang iwasan nang sa gayun ay hindi kayo mapahamak.
Kung may pagkakataon pa kapag nabiktima kayo ng mga demonyong ito, ‘wag na kayong mag-atubili pa, agad ninyong isuplong sa awtoridad para agad madakip ang mga ulupong na salot ng lipunan.
Ikaw kaibigan, ano ang sey mo?
Palaging tatandaan, walang maloloko kung walang magpapaloko!
Mas ligtas ang may alam!
Kaya ikaw, ako, tayo… mag-ingat!





Comments