top of page

Polo team, babawi ulit nang matalo ng Brunei

  • Gerard Arce /  A. Servinio
  • Nov 25, 2019
  • 2 min read

Photo: Espn5

Nabigo ang Philippine Polo team laban sa Brunei, 8-8.5 kahapon, Linggo sa pagsisimula ng maagang bakbakan sa SEA Games sa Inigo Zobel Polo Facility sa Calatagan, Batangas.

Hindi pinalad ang grupo nina team captain Tomas Vicente Bitong, Juban Stefano, Eduardo Miguel Lopez at Augustus Aguirre para talunin ang royalties na sina captain Abdul Mateen, Haji Mahari, Princess Azemah Bolkiah at Prince Bahar Jefri Bolkiah. Muling masusubukan ang koponan ni Rep. Mikee Romero ng Malaysia bukas, Martes at Indonesia sa Huwebes.

Samantala, dalawang larangan ng palakasan na nais makuha ang pansin ng mga Pinoy – ang Floorball at Netball – ang magsisimula ngayong ikalawang araw ng aksiyon sa 30th SEA Games. Kahit hindi pa masyadong sikat sa ngayon, tiyak na gagawin ng mga manlalaro ang lahat para makamit ang inaasam na medalya at karangalan para sa bayan.

Ang Floorball ay gaganapin sa UP College of Human Kinetics sa Diliman, Q.C. kung saan unang sasabak sa aksyon ang mga kababaihan ng 1:00 p.m. laban sa Indonesia. Parehong hindi sumali ang mga Pinay at Indones noong huling sinama ang Floorball sa palaro noong 2015 sa Singapore.

Maglalaro ang mga kalalakihan ng Pilipinas at Indonesia sa 7:00 p.m. Gagamitan ng mga Pinoy sa pangunguna ni forward Ryan Hallden ang home court advantage upang higitan ang kanilang ipinakita noong 2015 sa Singapore kung saan wala silang pinanalo sa apat na laro upang maging ika-apat at panghuli sa torneo.

Malaki ang pag-asa na mag-medalya matapos mag-uwi ng tanso ang Pilipinas sa 2019 Asia Oceania Floorball Cup noong Hulyo sa Alonte Sports Arena sa Biñan City. Kampeon sa torneo ang Singapore at Thailand na siya ring nagwagi ng ginto at pilak sa 2015 SEAG.

Samantala, sa Santa Rosa Multi-purpose Complex sa Laguna ang torneo sa Netball – isang laro na hawig sa basketball subalit walang board ang ring at uso sa mga bansang dating sinakop ng Gran Britanya. Ang Netball ay bukas sa mga kababaihan lang at gagamitin din ng mga Pinay ang homecourt advantage para lampasan ang ipinakita noong 2017 sa Kuala Lumpur kung saan wala silang panalo sa apat na laro.

Unang nabunot ng Pilipinas ang 2017 silver medalist Singapore sa 3:00 p.m. Ang Malaysia ang defending champion sunod ang Singapore at bronze medalist Thailand.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page