top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Mayor Vico, walang alam kaya nauuto ng mga komunista

Bobi Tiglao
Nov 25, 2019
3 min read

Hindi natin alam kung walang muwang o sad­yang nagpapagamit lang sa mga komunista ang kauupo lang na mayor ng Pasig City na si Vico Sotto.

Sa halip na palaguin ang negosyo sa kanyang lungsod para dumami ang trabaho na makatutulong sa kanyang nasasakupan — pinrotektahan pa ni Mayor Sotto ang komunistang unyon sa Regent Foods Corporation (RFC).

Ang unyong ito ay bagong tayo lamang, kaunti pa lang ang miyembro nito pero kaalyado ito ng komunistang grupo na Kilusang Mayo Uno (KMU). Noong panahon ni dating Pangulong Cory Aquino, kilala ang KMU dahil napakaraming strikes kung saan sila ang palaging nangunguna.

Maraming takot sa KMU dahil kaalyado nito ang Alex Boncayao Brigade, ang assassination squad ng mga komunista noong 1980’s. Si Boncayao ay dating lider ng KMU na sumama sa New People’s Army (NPA) at napatay noong 1984.

Hindi tulad ng ibang unyon na gustong mapanga­lagaan ang mga manggagawa, walang ginawa ang KMU kundi manggulo at magwelga hanggang sa maipasara ang kumpanya. Malamang, ganu’n ang mangyayari kapag itinuloy ng RFC ang planong ipa­sara ang kanilang pabrika sa Pasig at lumipat na lang sa ibang siyudad kung saan mas matalino ang mayor.

Isipin ninyo, bago pa pumutok ang gulo sa RFC ay humingi ng tulong ang kumpanya kay Mayor Sotto, pero hindi umano sila pinansin ng bagitong mayor. Nakadidismaya, hindi ba niya alam na ang mga kumpanyang tulad ng RFC ang nagbabayad ng malaking buwis para magkaroon ng pondo ang kanyang opisina?

Kapag lumayas ang RFC, saan ngayon kukuha ng buwis, sa KMU na ‘labor front’ ng mga komu­nista? Tsk! Ang pulang unyon sa RFC ay itinayo ng mga kadre ng KMU. Hindi ba, ang layunin ng unyon ay itaguyod ang kapakanan ng manggagawa? Kung hindi kayo makikipag-usap nang matino sa manage­ment, paano ninyo makukuha ang mga hinihiling ninyong benepisyo?

Sa halip na makipagdayalogo, hinarangan ng KMU ang entrance ng pabrika at dahil dito, hindi tuloy makapagtrabaho ang mga lehitimong mangga­gawa. Tinanggihan ni Mayor Sotto ang hiling ng kumpanya nang makialam sa ilegal na strike ng KMU. Napilitang kumuha ang RFC ng private security firm para mabantayan ang gate nang sa gayun ay maka­pasok ang mga empleyado na gustong magtrabaho.

Nakipag-away ang mga kadre ng KMU sa mga security guard at ayon sa kumpanya, inatake raw ang mga sekyu gamit ang kutsilyo at balisong.

Marami sa mga sekyu ang nasaktan at meron ding naisugod sa ospital at kritikal ang kondisyon. Nasa eksena noon ang pulis-Pasig at inaresto nila ang 23 unyonista na nag-umpisa ng karahasan. Maniwala kayo, tuwang-tuwa ang mga komunista sa ganitong pangyayari.

Gusto talaga nilang maaresto para puwede nilang magamit sa kanilang propaganda na naaapi sila. “Free the Regent 23,” sigaw ng mga propagandista ng mga pulahan. Anong ginawa ni Mayor Sotto, na dapat neutral o walang pinapanigan sa ganitong mga away sa labor? Binayaran niya ang piyansa ng mga naares­tong miyembro ng unyon.

Binantaan pa niya ang kumpanya at sinabing kailangan nilang iurong ang kaso laban sa unyon at kung hindi ay magiging masama ang relasyon nila sa lokal na gobyerno. Ngayon lang tayo nakarinig ng mayor na kung magsalita ay animo spokesman ng CPP-NPA, baka naman komunista na si Mayor Sotto?

May lumabas ding balita na may high-ranking na komunista diumano ang nagtatrabaho kay Mayor Sotto bilang executive assistant nito. Marami tayong nakitang ganitong sitwasyon sa ilang dekada natin sa media (hindi assistant kundi “adviser”).

Ibig sabihin, puwedeng siya ang nagdidikta sa opisyal kung paano nito maisusulong ang agenda ng komunista upang mapabagsak ang demokratikong gobyerno. Siyempre, dahil tila “walang muwang” si Mayor Sotto, kapag sinabi ng komunista na “wor­kers’ rights” ay madali itong napapabilib.

Kaugnay nito, matatandaang, naiugnay din ang bagitong mayor ng Pasig kay Kabataan Partylist Rep. Sarah Elago. Ang Kabataan Partylist ay isa sa mga front ng CPP-NPA kung saan layunin nitong makapag-recruit ng mga inosenteng mag-aaral para sumali sa kanilang organisasyon, labanan ang gobyerno at pumatay ng tao.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page