Batas kontra sa pagtaba ng mga bata, isinusulong

Bong Revilla / Anak ng Teteng!
Nakababahala ang patuloy na pagdami ng mga kabataang tumataba o sobra sa timbang dahil sa kapabayaan o maling sistema ng pagpapalaki ng ilang mga magulang.
Hindi alintana na karamihan sa mga nakikita o napanonood nating pagkain sa telebisyon o social media ay gusto nating maipatikim o maipakain sa ating mga anak.
Basta maganda ang advertisement, lovable ang mascot, maraming bata ang natutuwa, tila wala nang pakialam ang ilang mga magulang kung puro asukal o walang sustansiya ang pagkain na ito.
Kaunting iyak, kaunting lupasay lang ay wala nang magawa ang mga magulang kundi ang sundin ang gusto ng kanilang anak kaya ang resulta ay nagtatabaan ng sobra sa dapat nilang timbang.
At dahil hindi na natin ito mapigilan, naisipan nating magsumite ng panukalang-batas na magkaroon ng karagdagang physical activities at traditional games sa K to 12 curriculum.
Ito ang S. No. 1121, “An Act Providing for the Mandatory Inclusion of Anti-Obesity Education Program and Exercise including Play and Traditional Games, in the Pre-School, Elementary and High School Curricula, Both in Public and Private Schools and Educational Institutions”.
Naniniwala tayo na ang kamalayan, pagpapahalaga at responsibilidad ng isang tao para sa kanyang kalusugan ay dapat magsimula sa murang edad upang makapagtayo ng malakas na pundasyon ng malusog na pamumuhay at maengganyo na maiwasan ang anumang karamdaman.
Base sa 8th National Nutrition Survey na isinagawa mula noong Hunyo 2013 hanggang Abril 2014 ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI), 5 porsiyento ng mga bata na may edad 0-5 at 8.3 porsiyento ng mga batang may edad 10-19 ay sobra sa timbang, samantalang, 31.1 porsiyento ng mga mas may edad ay nagdurusa sa clinical obesity.
Lumalabas sa mga pag-aaral na ang paglaganap ng sobra sa timbang sa mga batang may edad na 0-5 ay patuloy ang pagtaas at ang average na 0.17 porsiyento taun-taon sa loob ng nagdaang 24 na taon ay umiiral.
Samantala, ang paglaganap ng sobra sa timbang sa mga school-age at adolescent groups ay tumaas ng 0.33 at 0.34 porsiyento ayon sa pagkakasunod sa loob ng 10 taon.
Kaya kung magiging batas ang panukala nating ito, aatasan nito ang Department of Education (DepEd) na magsagawa ng specially-designed instructions upang maipatupad ang anti-obesity measures bilang bahagi ng pag-aaral at tutukan ang physical health requirements ng mga mag-aaral depende sa edad.
Delikado ang pagtaas ng bilang ng overweight at obesity rate sa bansa, marami sa ating mga kababayan ang naglalakad na parang ‘time bomb’ na anytime ay puwedeng sumabog dahil sa katabaan.
Idagdag pa ang sobrang pagkagumon sa mga gadget ng mga bata dahil sa una, ginagawa lamang pampatahan ng kanilang mga nanay pero sa bandang huli ay hindi na gumagalaw ang kanilang mga anak dahil kain nang kain habang nakatutok ang atensiyon sa laptop o anumang gadgets.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments