‘Pinas, napahiya sa mga bisita.. SEA Games palpak, palasyo todo-sori
- Mylene Alfonso
- Nov 25, 2019
- 2 min read

Humingi kahapon ng paumanhin ang Malacañang sa mga atleta at bisita mula sa iba’t ibang Southeast Asian countries na nakaranas ng aberya sa kanilang transportation at hotel arrangements sa kanilang pagdating sa bansa nitong weekend para sa 2019 SEA Games.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, hindi na umano nila maibabalik kung anuman ang nangyari, ngunit hindi naghahanap ang Office of the President ng kahit anong dahilan.
“We can no longer undo what has been done. The Office of the President will not offer any excuses. As host country, we apologize for the unintentional inconvenience suffered by our athlete-guests,” ani Presidential Spokesman Salvador Panelo sa isang pahayag.
Dagdag ni Panelo, committed umano ang Phisgoc na pagbutihin pa ang kanilang ginagawa para matiyak ang proper coor-dination mula sa pagdating ng mga atleta hanggang sa kanilang transportation at hotel accommodations.
Sa kabila ng mga hindi inaasahang pangyayari, tiniyak ng gobyerno na ginagawa nila ang lahat upang masiguro na magiging maayos, productive at memorable ang pananatili ng mga bisita sa Pilipinas.
“We are not promising that the Games will run without a hitch, given the countless athletes who will participate and represent their respective countries, but we will exercise due diligence in making sure everyone will have a pleasant, productive and memorable stay in the Philippines,” wika pa ni Panelo.
Una nang humingi ng tawad ang Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc), ang private organization na nangangasiwa sa pag-organisa ng mga laro dahil sa kanilang pagkukulang, partikular sa football teams ng Myanmar, Cambodia at Timor-Leste kung saan inireklamo nila ang matagal na paghihintay sa airport at nadala pa sila sa maling hotel.
Habang inireklamo naman ng Thailand football team ang isyu sa accreditation at accommodation kung saan hindi umano sila nakapag-practice dahil sa sobrang layo ng venue sa kanilang tinuluyang hotel.
Samantala, giit naman ng Palasyo na walang anumang ulat ng insidente na maaaring maglagay sa panganib ng kanilang kaligtasan at kulusugan.





Comments