Mga problema sa iskul.. ‘Wag isumbong kay Tulfo — DepEd

May tamang lugar o forum para pag-usapan ang mga isyung may kaugnayan sa guro at estudyante nito.
Ito ang pahayag ng Department of Education (DepEd) kasunod ng insidente kung saan mistulang prinessure ng TV/radio anchor na si Raffy Tulfo ang isang inireklamong guro para magbitiw.
Sa isang pahayag, sinabi ng DepEd na kailangan ang kooperasyon ng lahat para mapanatili ang tiwala, respeto at dignidad ng mga guro, mag-aaral at nangangasiwa sa mga eskuwelahan.
Kasabay nito, umapela ang DepEd sa publiko na huwag nang ikalat ang larawan ng sangkot na estudyante at guro, maging ang video ng insidente para na rin sa pamilya ng mga ito.
Maaari umano itong magkaroon ng impact sa guro at estudyante at maging sa kanilang pamilya.
“Matters like this are governed by law, policies, and procedures which are accordingly complied with. These laws and policies oblige DepEd not to divulge details of the investigation,” pahayag ng DepEd.
Kasabay nito, tiniyak ng DepEd na kumilos na ang kanilang regional at division offices para sa kaukulang hakbang.
“Schools are second home to learners, while teachers are the second parents. We entrust our children to the institution and teachers,” dagdag pa ng DepEd.
Una nang inireklamo ng lola at nanay ng isang Grade 2 pupil sa programa ni Tulfo ang guro na si Melita Limjuco matapos umanong palabasin ang nasabing estudyante bilang parusa dahil sa hindi pagdadala ng report card nito.
Sa nasabing programa ay humingi na rin ng paumanhin si Limjuco pero, ayaw itong tanggapin ng lola at nanay ng bata at doon iginiit na dapat matanggalan ng lisensiya ang guro.
Pinamili naman ni Tulfo si Limjuco kung magbibitiw o patatanggalan siya ng lisensiya.





Comments