Cayetano, ibebenta raw ng P100 M ang P55 M na kaldero ng SEA Games, sino ang bibili?
- Pabs Hernandez III
- Nov 24, 2019
- 2 min read
MAS LALONG DUMAMI ANG NAGALIT SA SINABI NI SPEAKER CAYETANO NA P5 MILYON ANG GAGASTUSIN SA GAS NA PANSINDI SA KALDERO — Isa sa mga depensa ni Speaker Alan Peter Cayetano, chairman ng Philippine SEA Games Organizing Committee (PHISGOC) ay hindi raw P55 milyon ang halagang ginastos nila para sa kaldero (cauldron) dahil kasama rin daw sa nasabing halaga ang P5 milyon para sa gas na gagamitin sa pagpapaapoy nito.
Sablay ang palusot na ‘yan ni Speaker Cayetano kasi lalo lang niyang ginalit ang taumbayan sa sinabi niyang P5 milyon ang gas na gagamitin para umapoy ang milyones na kaldero, buwisit!
◘◘◘
IMBES NA P5 MILYONG GAS, MAS MAINAM NA MGA KORUP NA LANG DAW ANG IPANGGATONG SA KALDERO — Marami ang na-shock sa sinabi ni Speaker Cayetano na P5 milyon ang gagastusin ng gobyerno sa gas na gagamiting pagpapaapoy sa kaldero (cauldron).
Mainam siguro kung gawin ang viral na post sa social media ni Ethel Booba, na para raw sulit ang ginastos sa pagpapagawa ng kaldero (cauldron), ang dapat gawing panggatong ay ang mga “korup” na opisyal, boom!
◘◘◘
SINO ANG BIBILI NG P100 MILYONG KALDERO? — Nagkakandaturete na si Speaker Cayetano sa isasagot sa tanong ng media tungkol sa overpriced na kaldero (cauldron) na gagamitin sa SEA Games kasi dumating sa punto na sinabi niyang hindi raw nakapanghihinayang ang ginastos dito dahil puwede raw itong (kaldero) ibenta ng gobyerno sa halagang P100 milyon.
Ang tanong, sino naman kaya ang bibili nito sa halagang P100 milyon? Abangan!
◘◘◘
SAKLA SA Q.C. AT MUNTINLUPA CITY, BALIK-RAKET NA NAMAN — Balik-operasyon na naman daw ang mga saklaan nina “Gaspar”, “Amang” at “Willy” sa Quezon City at “Walter” sa Muntinlupa City.
Dahil nagbabalikan na naman sa kanilang mga raket ang mga ilegalistang ito ay pagpapatunay ‘yan na boladas lang ang direktibang “no take policy” ni NCRPO Director Gen. Debold Sinas, buwisit!





Comments