Likes sa socmed para sa grade, sanhi ng depresyon ng mga estudyante

Noon, kapag maganda at pinaglaanan ng oras ang project, siguradong mataas ang grado na makukuha ng mag-aaral. Ngayon, kahit hindi pinaglaanan ng oras at pagod, basta maraming “likes” ay oks na.
‘Yung tipong kapag marami kang internet friends, malaki ang tsansa na makakuha ka ng mataas na grado dahil sa panahon ngayon, kahit proyekto sa iskul ay idinaraan na sa social media.
Kaugnay nito, ikinabahala ng mga eksperto ang pagbibigay ng proyekto sa mga estudyante na kailangang i-post sa socmed kung saan dami ng likes ang magiging batayan ng grade.
Gayundin, ito umano ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng social media account ang mga bata. Kapag ipinost ang project, kailangang makakuha ng maraming likes para makakuha ng mataas na grade.
At dahil grades ang nakasalalay, mag-e-effort ang mga estudyante na magpa-like, gayundin ang mga magulang nito.
Kapag nakarami ng likes, walang problema, pero kapag hindi, siguradong sasama ang loob ng bata dahil maaaring tumatak sa isipan nito na hindi maganda ang kanyang proyekto at ang masaklap, maaari itong mauwi sa depresyon.
Ito ay dahil social media likes ang nagiging batayan para maramdaman ng bata na maganda o katanggap-tanggap ang mga ginagawa niya.
Maraming magulang ang pumabor na hindi ito magandang makasanayan sa paaralan, lalo na kung magiging basehan ng grado dahil paano ‘yung mga nag-e-effort talaga, pero hindi naman active sa social media?
Nawawala ‘yung kahalagahan ng pagsisikap na mapaganda ‘yung project dahil ang nangyayari, magbababad sa socmed ang estudyante para makalikom ng likes at ang masaklap, gumawa ng hindi maganda o mandaya pa para lang i-like ang kanilang proyekto.
Ibang-iba na ang panahon ngayon, pero wala naman sigurong mawawala kung ibabalik ang nakasanayang paraan sa pagpapagawa ng proyekto — ‘yung mag-e-effort ang mga estudyante para matapos ito at kapag bigayan na ng grade, bigyan ng matataas na marka ‘yung talagang nagsikap dahil deserve nila ‘yun.
Itatak natin sa isipan ng kabataan na ang pagsisikap sa paggawa ng proyekto ay hindi para sa validation o papuri na matatanggap sa socmed kundi para sa experience na magagamit sa mga susunod na taon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments