Motor tinangay.. Tibong empleyado ng lending pinatay

Patay na nang matagpuan sa bakanteng lote sa Bgy. Sabang, Baliwag sa Bulacan ang isang lesbian na sinasabing tinangayan ng motorsiklo.
Ayon kay Police Senior Master Sergeant Mark Sinlao, imbestigador sa kaso, umaga ng Nobyembre 7 nang matagpuan ang nakabalot sa kumot na bangkay ng biktimang si Madhel de Guzman, 30, nagtatrabaho sa Kasapi Lending Company.
Ani Sinlao, lumalabas sa paunang imbestigasyon na sa bayan ng San Rafael pinaslang ang biktima at itinapon lang sa bayan ng Baliwag ng nabanggit na lalawigan.
Una rito, iniulat na nawawala si De Guzman noong Nobyembre 5 matapos magpaalam sa kanyang amo na magpapagawa lang ng motorsiklo.
Dahil nabahala ang kaanak ng biktima ay nag-post ng mga larawan sa social media ang mga ito tungkol sa pagkawala ni De Guzman at ng motorsiklo nito.
Nakita umano ng employer ng suspek na si Mark Diaz na ang bagong motorsiklong gamit nito ay katulad ng naka-post sa social media ng mga kaanak ni De Guzman.
Si Diaz ay nagtatatrabaho rin sa ibang lending company kaya sinasabing kakilala rin nito ang biktima.
Agad umanong itinawag ng amo ni Diaz sa employer ni De Guzman ang nakitang motorsiklo at isinumbong sa pulisya na agad na nagkasa ng surveillance sa suspek.
Nang makumpirmang motorsiklo ni De Guzman ang gamit ni Diaz ay agad itong inaresto.
Umamin umano si Diaz sa krimen at itinuro rin ang dalawa pa niyang kasabwat na sina Cathemar Lopez at Ryan Aries Diaz.
Sa salaysay umano ni Diaz, siya ang nag-set-up para makipagkita si De Guzman sa kanilang tatlo at sinabing may gustong umutang kaya isinama siya sa bahay ni Ryan sa bayan ng San Rafael kung saan nangyari ang krimen.
Ipinagharap na ng kasong carnapping with homicide ang tatlong suspek bagama’t, ang dalawa sa mga ito ay patuloy nang tinutugis.





Comments