top of page

Hinarang sa flyover, bintana minartilyo ng 2.. Grab driver, 2 pasahero hinoldap

  • Gina Pleñago
  • Nov 22, 2019
  • 1 min read

Nasa P100,000 cash ang natangay ng dalawang armadong lalaki nang holdapin ang dalawang pasaherong Koreano at Grab driver sa flyover sa Pasay City, kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ang mga biktima na sina Jo Kyeung Won, 23, at Kang Min Kil, 23, Korean nationals, at Renato Adviento, 49, Grab driver.

Habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek na sakay ng asul na Toyota Vios.

Base sa imbestigasyon nina SSg. Alberto Barangas, Jr. at P/SSgt. Alfredo Aquino, Jr., nangyari ang panghoholdap sa mga biktima ala-1:45 ng madaling-araw sa Roxas Boulevard flyover northbound, Buendia.

Galing umano ang dalawang Koreano sa City of Dreams sa Bgy. Tambo, Parañaque City at sumakay sa itim na Montero na minamaneho ni Adviento.

Pagsapit sa flyover, bigla na lamang humarang sa kanilang daraanan ang isang Toyota Vios kung saan dali-daling bumaba ang dalawang lalaki mula sa back passenger seat at nilapitan ang sinasakyan ng mga biktima.

Tinutukan ng baril ng mga suspek at gamit ang martilyo, binasag nila ang bintana ng driver at passenger habang ang isa sa holdaper ang nagpaputok ng baril at nagdeklara ng holdap.

Puwersahang kinuha ng mga suspek ang mahigit-kumulang sa P100,000 cash mula sa dalawang Koreano bago nagsitakas.

Nagsasagawa pa ng follow-up operation ang pulisya para sa ikalulutas ng nasabing kaso at agarang ikadarakip ng mga suspek.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page