Virus na nagdudulot ng pagtatae, nakakahawa mula sa mga matataong lugar
- Shane M. Ludovice, M.D
- Nov 21, 2019
- 1 min read
Dear Doc. Shane, Kamakailan, dinala namin sa ospital ang aking bunsong anak dahil panay ang suka nito na sinundan ng pagtatae. Ang sabi ng doktor ay may acute gastroenteritis daw ito. Maaari ba ninyong talakayin ang tungkol sa sakit na ito? — Cristina
Sagot Isa sa mga posibleng dahilan ng lumalalang kaso ng acute gastroenteritis ay ang pabagu-bagong panahon kung saan madaling napapanis ang mga pagkain — lutong-bahay man o nabibili sa labas.

Kapag sinabing “acute”, ito ay tumutukoy sa pagkagrabe na ng uri ng sakit. Ibig sabihin, kritikal o teribleng kaso na kung hindi maaagapan ay maaaring makapinsala nang husto sa kalusugan at ang masaklap ay maaari itong ikamatay ng pasyente.
Sa gastroenteritis, ang pasyente ay posibleng makaranas ng pananakit o pamimilipit ng tiyan, lagnat, pagsusuka, pananakit ng kalamnan at pananakit ng ulo.
Ang gastroenteritis flu ay sanhi ng iba’t ibang uri ng virus, partikular ang rotavirus at novovirus.
Ang rotavirus ay nakahahawang virus na sanhi ng pagtatae. Ito ay delikado dahil nagdudulot ito ng diarrhea, pagsusuka at pagkatuyo o pagkaubos ng fluid sa katawan o dehydration.
Ang norovirus ay delikado rin na maaaring makuha sa mga pampubliko o mataong lugar. Kilala rin ito bilang food-borne disease.
Kapag nakaranas ng ilan sa mga sintomas ay kailangang maging maingat na huwag matuyuan ang katawan o makaranas ng dehydration.
Malalaman na dehydrated ang pasyente kapag tuyot ang balat at labi nito, nahihilo at madaling makaramdam ng pagkauhaw.
Samantala, iwasan ang mag-self-medicate sa ipaiinom na gamot para sa sakit na ito. Ang pinakamabuting gawin ay magpakonsulta agad sa doktor.




Comments