top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Suweldo ng kasambahay, gawing P5K ang minimum

Ryan B. Sison
Nov 21, 2019
2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Inirerekomenda ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board sa National Capital Region ang pagtataas ng suweldo sa mga kasambahay sa Metro Manila.

Mula P3, 500 ay maaaring tumaas sa P5, 000 ang minimum wage ng mga kasambahay sa NCR.

Ayon kay Labor Sec. Silvestre Bello III, “economic condition” ang ginamit na basehan ng Wage Board sa NCR sa mga panukalang dagdag-sahod sa mga kasambahay.

Gayundin, ikinokonsidera ni Bello ang paying capacity ng mga employer at naniniwala rin na kakayanin ng mga ito na magpasahod ng P5, 000 sa kanilang kasambahay.

Nakatakdang isumite sa National Wages and Productivity Board ang panukala ng wage board para maaprubahan. Sakaling maaprubahan ng National Wage Board, isasapubliko ito bago maging ganap na epektibo.

Samantala, hati ang opinyon ng taumbayan sa naturang panukala. Ayon sa iba, dapat lang na itaas ang suweldo ng mga ito dahil kung tutuusin, nakakapagod ang kanilang trabaho.

Pero meron namang hindi pumabor dahil sakto lang ang kanilang suweldo para magbayad sa kasambahay at kung maipatutupad ito, hindi na nila kakayaning magbayad.

Sa totoo lang, napakaraming dapat ikonsidera sa pagtataas ng suweldo ng mga kasambahay.

Kung kabuuang bilang ng oras sa trabaho at bigat nito ang pagbabasehan, karapat-dapat na itaas ang kanilang suweldo.

Paano naman ‘yung karaniwang pamilya na nasa minimum wage ang kinikita? ‘Yung tipong wala silang choice kundi kumuha ng kasambahay para may maiwanan sa bahay at mag-alaga sa kanilang mga anak at kung maisasabatas ito, paano sila mababayaran nang tama?

Huwag nating kalimutan na ang mga kasambahay ay may pamilya rin at pinipiling mag-alaga o mag-asikaso ng ibang tao para maibigay ang pangangailangan ng kanilang pamilya.

Karamihan sa kanila, dedma na kahit napakaliit ng suweldo at sobra-sobrang oras ang inilalaan sa trabaho, mapakain lang ang kanilang pamilya.

Suhestiyon ng taumbayan, kung iniisip ng mga kinauukulan ang kakayahan ng mga employer na magpasuweldo ng P5, 000 sa kasambahay, sana ay taasan din ang suweldo ng mga ordinaryong manggagawa.

Gayundin, kung mananatiling mababa ang suweldo ng mga kasambahay dito sa bansa, posibleng mag-abroad ang mga ito kaya sana ay hindi lang dagdag-suweldo ang ipatupad ng pamahalaan.

Bigyan din sila ng iba pang tulong tulad ng scholarship para sa kanilang mga anak o grocery allowance.

Hindi pa man naisasabatas, kung kaya namang itaas kahit kaunti ang ipinasusuweldo, gawin na natin ito.

Maliit na halaga o anumang klase ng tulong ay malaking bagay na para sa kanila dahil kung tutuusin, karapat-dapat itong ibigay sa kanila.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page