PHL swimming, hindi padadaig para sa 30th SEAG golds

Umaasa ang pamunuan ng Philippine Swimming Incorporated (PSI) na mawakasan na ng kanilang koponan ang pagkatuyot sa gintong medalya sa darating na 30th edisyon ng Southeast Asian Games (SEAG) sa bansa na magbubukas simula Nob. 30 hanggang Disyembre 11 sa iba’t ibang panig ng Luzon.
Kasunod ito ng pag-anunsiyo ng 27 miyembro ng National Team na para katawan ang bansa sa biennial meet simula Dis. 4-9 sa New Clark City Aquatic Center sa Capas, Tarlac.
Ayon kay PSI president Lailani Velasco, nais na umanong wakasan ng national team ang kawalan ng gintong medalya sapol pa noong 2009 Vientiane Games sa Laos kung saan huling natikman ng National Swimming Team ang apat na gintong medalya mula kina Daniel Coakley sa 50m freestyle, Ryan Arabejo sa 1500m freestyle at Miguel Molina para sa 200m at 400m individual medley, kasama pa rito ang anim na pilak at isang tansong medalya.
“It has been quite too long since we had last turned a gold medal worthy performance at the SEA Games. Since Laos in 2009, where we brought home 4 golds, our gold medal campaign has been a standstill, so that the challenge to finally put an end to this drought becomes more urgent and pressing,” wika ni Velasco.
Pangungunahan nina Fil-Kiwi Luke Michael Gebbie at Filipino-American Remedy Rule ang opisyal na line up ng National Team kasama sina multi-titlist Jasmine Alkhaldi, 2017 Malaysian meet silver medalist sa 50-m at 100-m breastroke na si James Deiparin, veteran Jesse Lacuna, Miguel Barreto, Rafael Barreto, Alberto Batungbacal, Jonathan Cook, Jarod Jason Hatch, Maurice Ilustre, Jerard Jacinto, Jean-Pierre Khouzam, Jaden Christian Olson, Thomas Peregrina at Rian Marco Tirol sa men’s team.
Ang iba pang miyembro ng koponan ay sina Xiandi Chua, Thanya Dela Cruz, Chloe Isleta Desirae Mangaoang, Nicole Oliva, Jazlyn Pak, Georgia Peregrina, Miranda Renner, Joy Rodgers, Rosalee Santa Ana at 2017 meet 200-m backstroke bronze medal winner Roxanne Ashley Yu.
Naging masaklap para sa pambansang koponan ng swimming ang mga sumunod na tagpo sa SEA Games, ito ay matapos mabokya ang mga ito simula 2011 Palembang, Indonesian Games na mayroon lamang dalawang (2) pilak at limang (5) tansong medalya. Kasunod nito ay ang Myanmar meet noong 2013 na mayroon lamang apat (4) na tanso, nung 2015 games na may dalawang silver at 11 bronze medal at nitong huli sa 2017 Kuala Lumpur sa Malaysia ay mayroong 0-3-4 silver-bronze medal.
Maging ang Diving Team nito ay umuwing luhaan rin simula pa noong 25th edisyon sa Laos matapos ang pamamayagpag nina Shiela Mae Parez, Zardo Domenios, Niño Carog at Ryan Rexel Fabriga sa mga naunang SEA Games.
“The PSI is committed to assist our swimmers to optimize conditions for your training and competition so that you and your coaches can fully focus on the goal of improving our medal tally and gun for those elusive golds. I thus reiterate the call for you steer clear of distractions and negative emotions for now, and keep your eyes and will centered straight,” sambit ni Velasco.





Comments