Final answer: Vape, bawal na, yosi next, please?!
- BULGAR

- Nov 21, 2019
- 2 min read
"I will ban it, the use and importation because it is toxic. It is not good and contrary to public safety.”
Tuluyan nang hinatulan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isyu sa paggamit ng vape o electric cigarette. Bawal nang mag-vape sa pampublikong lugar at ipagbabawal na rin ang pag-i-import ng mga vaping device.
Kasunod ng kautusan, agad naglunsad ng nationwide crackdown laban sa mga magbe-vape, partikular sa mga pampublikong lugar. Bagama’t, hindi ikukulong, ayon sa kapulisan ay aarestuhin, ipaba-blotter at kukumpiskahin ang gamit na vape ng mga ito.
Sa ibang hindi nagbe-vape, aprub ito para magsitigil na ang mga pasaway na parang tambutso na walang pakialam sa ibang tao na nabubugahan ng usok. May iba naman na gusto lang makiuso lalo na ang mga kabataan na feeling nila, kasama ang vape sa porma. Bagama’t, may iba naman na hindi pabor sa ban dahil para sa kanila ay malaking tulong ito sa mga gusto nang mag-quit sa sigarilyo. Ito umano ang kanilang nagiging alternatibo sa yosi hanggang sa tuluyan nang makawala sa bisyo at sa mismong pagbe-vape.
Ang problema kasi ay walang malinaw na paliwanag at regulasyon sa paggamit ng e-cigarette. Epektib ba talaga itong pamalit sa yosi? Safe ba talaga ang e-juice na ipinapatak sa vape? Wala bang masamang epekto sa ibang taong nakalalanghap ang usok mula rito? Sino at ilang taon ba ang pinapayagang gumamit nito? At marami pang tanong na hanggang ngayon ay nagbabanggaan pa rin ang mga sagot.
Kapag tinanong natin ang gobyerno, sa ngayon, mismong pangulo na ang nagsabing ‘bad’ ito sa kalusugan ng tao. Pero, kapag tinanong natin ang mga manufacturer at vaper, malamang na igiit nila na okay ang vape at safe ang mga sangkap na ginagamit sa mga e-juice.
Kung daraanin sa debate, mahaba-habang usapan ito, pero sa ngayon, malinaw ang kautusan, bawal mag-vape sa pampublikong lugar tulad ng ipinatutupad laban sa yosi.
Nabanggit na rin lang natin ang sigarilyo, marami na naman ang mga yosi-kadiri sa paligid. ‘Yung mga naturingang propesyunal d’yan, mga salaula! Sangkatutak na filter ang basta na lang iniiwan sa mga halaman sa sidewalk, mahiya naman kayo!
Mahal na pangulo, kung magtutuluy-tuloy man ang ban sa vape, baka naman puwede n’yo na ring isabay ang sigarilyo, tutal 101% naman nang napatunayan na nakamamatay ito. Kung kakayanin lang po ng powers ng gobyerno.





Comments