Halaga ng cauldron sa SEAG kinuwestiyon, ipinaliwanag
- Gerard Arce
- Nov 20, 2019
- 2 min read

Ipinagtanggol ni Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc) chairman at House Speaker Alan Peter Cayetano sa harap ng mga Senador ang kontrobersyal na P50-M na cauldron na itinayo sa New Clark City Sports Complex na magsisilbi umanong malaking liwanag na indikasyon ng isinasagawang SEA Games sa bansa.
Pinutakte ng samu’t saring reaksiyon at kwestiyon ang tinawag ni Cayetano na isang “Work of Art” na nilikha ng yumaong national Artist for Architecture na si Francisco “Bobby” Mañosa. Inamin ni Cayetano na nanggaling sa private sectors ang ilan sa mga ginamit na pondo ng bansa para sa preparasyon sa biennial meet na magbubukas simula Nob. 30-Dis 11 sa iba’t ibang panig ng Luzon. Sa inilabas na pahayag ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, kinuwestiyon nito kung “nararapat” bang gumastos ng malaking halaga para sa 50-meter cauldron sa loob ng bagong tatag na New Clark City Athletics Stadium. Iilawan ang naturang kaldero sa loob ng 12-araw na kompetisyon mula sa 11-nation sa Timog Silangang Asya.
Ginastusan umano ang nasabing cauldron ng P4.4-M para sa disenyo, P13.4-M para sa pundasyon at P32-M para sa konstruksyon. “So as I said, monument yan eh, work of art iyan,” pahayag ni Cayetano sa tanong ng mga media ukol sa naturang kaldero. “So we’ll give you all the details pati sa audit, saan nanggaling ang pera, paano ni-liquidate, ano yung mga materials niya. But precisely why we got a national artist. Tingin nyo ba iyong tao iri-risk niya ‘yung reputation niya para i-overpriced ‘yung design,” dagdag ni Cayetano.
Sinabi pa umano ni Cayetano na P45-M lang ang halaga ng naturang kaldero, dahil ang P5-M dito ay para sa gas na gagamitin para pailawan ng 24 na oras sa loob ng 12 araw. “Iyung development kasi is P17-M, whether or not aayusin mo iyon, nandun kasi iyong coliseum. Yung cauldron itself is P7-M, pero iyong design ang iyong mga mechanisms para sa gas and everything was about P18-M, kaya kung add mo lahat-lahat around P45-M,” pahayag ni Cayetano. Idinagdag ni Cayetano na ang naturang kaldero ay simbolo ng ‘National Pride’ ng bawat atletang lumalaban para sa bansa sa biennial meet.





Comments