Fencing: Catantan at Villanueva, bumitbit ulit ng tig-1 ginto
- Gerard Arce
- Nov 19, 2019
- 1 min read

Tinapos ng Philippine Fencing National team ang huling kampanya nito bago ang nalalapit na pagbubukas ng 30th SEAG nang may bitbit na karagdagang 2 gintong medalya sa ginanap na 20th National New Fencing Championships, Taipei Fencing Open sa Taipei City Stadium sa Taiwan.
Itinarak ni SEAG gold medal hopeful at Penn State-bound Samantha Kyle Catantan ang unang gold medal ng bansa matapos talunin si Wu Rouzhen ng Olin Fencing, 15-12 sa championship round ng women’s foil event. Bago ito makatuntong sa final stage ay dinaig muna nito si Cheng Xing ng Fu Jen Catholic University, 15-12 sa semis para sa unang bronze medal habang napunta kay Cai Xiaoqing ng JJL Fencing Club ang isa pang bronze medal.
Lumapag sa 6th place si Wilhelmina Lozada at 13th spot si Justine Gail Tino sa pareho ring event. Itinudla rin ni Eunice Daniel Villanueva ang ikalawang gold medal sa men’s Sabre event nang gapiin si Zhou Zongyu ng National Taiwan Sport University via 15-14 sa finals, habang napunta ang bronze medal sa team mate nitong si Christian Jhester Concepcion na tinalo sa semis via 15-13 iskor samantalang nasukbit ni Lin Shaojun ng National Sports University ang isa pang bronze.
Nitong Oktubre ay nakuha ng 17-anyos na dating UE student-athlete na si Catantan ang kauna-unahang gintong medalya ng bansa sa under-23 individual tourney sa 2019 Asian U-23 Fencing Championships sa Bangkok, Thailand.
Isa si Catantan sa inaasahang mag-uuwi ng gold medal sa SEAG para sa bansa na magbubukas simula Nob. 30-Dis 11 na tiyak na babawi sa nakalipas na 2017 Kuala Lumpur, Malaysia Games kung saan nakuntento lang ito sa silver medal finish sa pareho ring event.





Comments