ASF, hindi nakakahawa pero hindi dapat balewalain
- Kuya Win Gatchalian
- Nov 19, 2019
- 2 min read

Isa sa mga dahilan kung bakit labis na pinag-iingat ngayon ang publiko ay dahil sa pagkalat ng nakamamatay na virus sa mga baboy na tinatawag na African Swine Fever o ASF, lalo na nang matuklasang positibo sa ASF ang ilang processed pork na nagmula sa China.
Pero nais din nating maliwanagan ang lahat na hindi nakapipinsala ang ASF sa kalusugan ng tao.
Ayon sa mga eksperto, ang virus na ito ay nagmumula sa mga hilaw at kontaminadong karne ng baboy.
Hindi man ito direktang nakahahawa sa tao, posible namang maisalin ng tao sa baboy ang virus kapag nakakain o nakahawak ito ng kontaminadong karne.
Ayon sa Department of Health (DOH), maaari ring kumalat ang sakit kung ang mga malulusog na baboy ay nagkaroon ng ugnayan sa mga baboy na positibo sa ASF.
Bukod dito, ang ilan pa sa mga maaaring pagmulan ng ASF ay ang feeds, tirang pagkain at basura.
Kamakailan lamang ay kinumpirma ng Bureau of Animal Industry (BAI), isang ahensiya sa ilalim ng Department of Agriculture (DA), na positibo sa ASF ang hotdog at skinless longganisa na produkto ng Mekeni.
Mabuti na lang at binawi agad ng kumpanya ang naturang mga produkto nila sa mga pamilihan at nangakong makikipagtulungan sa kampanya ng gobyerno para maiwasan ang pagkalat ng ASF sa mga babuyan.
Ngunit, lubos pa ring nakababahala ang balitang ito dahil hindi nawawala ang ganitong mga pagkain sa pang-araw-araw ng mga mag-aaral sa kanilang eskuwelahan dahil paborito o kinahihiligan nila ito.
Ayon kay DA Secretary William Dar, mayroong 13 ASF outbreaks na nakumpirma sa apat na probinsiya — Pangasinan, Pampanga, Bulacan at Rizal.
Sa 20,000 mga baboy na ibinukod para makaiwas sa nasabing virus, mahigit 6,600 sa mga ito ang nagpositibo sa ASF.
Dahil sa ganitong sitwasyon, ating hinihikayat ang mga paaralan sa buong bansa na maging maalam tungkol sa ASF. At kahit na walang panganib sa tao ang ASF, mas mabuti nang maging alerto para makaiwas sa anumang posibleng kapahamakan.
Kasunod ng problemang ito, dapat tiyakin ng mga guro o awtoridad sa eskuwelahan, halimbawa na lang sa kanilang mga feeding program, na naghahain sila o nagbebenta ng malinis at mapagkakatiwalaang pagkain.
Kaya naman, tayo ay nananawagan sa Department of Education (DepEd) na manguna sa kampanyang ito at makipag-ugnayan at makipagtulungan sa mga magulang at sa lahat ng mga kinauukulan sa sektor ng edukasyon sa adhikaing proteksiyunan ang mga bata.
Higit sa lahat, ang pag-iingat natin ay nagsisimula rin sa tahanan, sa mga magulang at nakatatanda. Dapat maging mapanuri tayo sa mga pagkaing kinokonsumo ng buong pamilya, dahil anuman ang gawin ng mga nasa paaralan kung hindi nababantayan sa tahanan ang mga mag-aaral ay maaaring malagay pa rin sa peligro ang kalusugan ng bawat isa.
Bilang chairman ng Senate Committee on Education, Arts and Culture, patuloy nating tututukan ang tungkol sa paksang ito upang matiyak na hindi napababayaan ang kapakanan ng mga mag-aaral, lalo na kung sila ay nasa paaralan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com




Comments