top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Walang batas na bawal mag-artista ang pulitiko

Bong Revilla
Nov 18, 2019
2 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!

Nais nating magpasalamat kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa hinggil sa komento niyang dapat mag-focus na lamang ang inyong lingkod sa pagiging senador.

Sa totoo lang, may punto si Sen. “Bato” tulad na lamang sa ating kaso, alam natin ang ating prayoridad. Palagi at mananatili tayong nakatuon sa ating pangako sa sambayanang Pilipino. Makikita sa records natin kung paano tayo nagtrabaho noong nakaraan nating termino at maging ngayon, sa halos anim na buwan pa lamang tayo sa Senado.

Hindi naman sa pagbubuhat ng sariling bangko, pero noong nakaraang termino natin ay nakapagsumite tayo ng mahigit 600 bills at resolutions at sa kasalukuyan ay may 160 bills at resolutions na ang ating naisumite at marami na ang dinidinig ng iba’t ibang komite ng Senado.

Bilang tayo ang chairperson ng dalawang major Senate committees - Civil Service and Public Information and designated Sub-Committee Chairman of Social Welfare, palagi nating inuuna ang mga proposals na direktang ang magbebenepisyo ay ang mga tao at tayo rin ang kasalukuyang chairman of the Energy Committee of the Commission on Appointments.

Aktibo rin tayo sa pagdalo sa mga committee hearings at plenary sessions. In fact, tayo ang co-author ng dalawang bills na kamakailan lang ay pumasa sa ikatlong pagbasa sa Senado. Ito ang Postponement of Barangay/SK Elections and National Day of Remembrance for Road Crash Victims/Survivor/Families.

Ang inyong lingkod din ang naghatid ng ulat sa plenaryo ng dalawa sa ating committee report na ang magbebenepisyo ay mahigit sa 800,000 mga guro. Kumbaga, kahit saglit ay hindi tayo nag-aksaya ng panahon o nagtamad-tamaran sa Senado dahil alam natin ang ating mandato.

Kaya taos-puso ang ating pagpapasalamat sa mga nagbibigay ng constructive criticism kahit mula pa ito sa showbiz industry o politika, dahil wala naman tayong pagkukulang kung trabaho ang pag-uusapan at sa kasalukuyan ay isa tayo sa mga nangunguna sa pinakamaraming naisumiteng panukalang-batas.

Sa showbiz naman, bata pa lamang ang inyong lingkod ay artista na tayo, sa hanapbuhay na ito tayo lumaki, nagkapamilya hanggang sa tumakbo at maging bise-gobernador at maging senador.

Kaya mula nang maibalik tayo sa paglilingkod ay napakarami nang lumalapit sa atin na mga dating kasama sa pelikula at nagtatanong kung kailan tayo muling gagawa ng pelikula.

Alam ng lahat na hindi tumitigil sa paggawa ng pelikula ang ating Imus Productions na mula pa noon ay ito na ang ating ginagawa kaya hindi maiaalis sa atin nang ganu’n lang ang pag-aartista.

Marami ring kapatid sa showbiz industry ang kailangan din ng hanapbuhay at sa muli nating pagbabalik sa paggawa ng pelikula ay napakarami ang siguradong mabibigyan ng hanapbuhay.

Higit na katotohanan sa lahat, hindi natin kayang talikuran ang mga taong tumulong at nakasama natin sa paggawa ng pelikula, lalo na noong nagsisimula pa lamang tayo sa industriyang kinalakihan na natin.

At wala namang batas na nagbabawal sa pag-aartista. Ito ay marangal na trabaho na bumuhay at bumubuhay sa ating pamilya. ‘Ika nga, “haters are going to hate, and bashers are going to bash. The truth is out there and it is their choice to side with lies and falsehood. Sino ang may problema? Not me.”

Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page