Pagbibilad ng mga gamit sa bahay sa initan, pambabuwenas
- Sr. Socrates Magnus II
- Nov 18, 2019
- 2 min read
Bigyang-daan natin ang mga kaalaman para buwenasin at alisin ang kamalasan sa bahay o tirahan. Sa nakaraang isyu, ibinahagi natin ang epektibong paraan na ‘air bath’ para alisin ang mga kamalasan sa bahay o tirahan.
Ipagpatuloy natin ang ilan pang puwedeng gawin para matanggal ang mga negatibong puwersa sa bahay upang buwenasin ang mga nananahan dito.
Ibabahagi natin ang ‘fire bath’ na mabisa ring paraan para alisin ang mga kamalasan sa loob ng bahay.
Ang fire ay init, ibig sabihin, ang kapangyarihan ng apoy ay nasa init. At dahil dito, ang fire at init ay iisa.
Magagawa ang fire bath sa pamamagitan ng mga sumusunod:
1. Ilagay ang mga gamit sa sikat ng Haring Araw para mainitan.
2. Hindi man alam ng ating mga lolo at lola at ng ating mga magulang ang nakaugalian na nilang pinaiinitan ang mga unan sa sikat ng araw ay tumutukoy mismo ito sa fire bath.
3. Ang mga kumot, banig at kutson ay dapat ding ibilad sa sikat ng Haring Araw.
4. Ang isa pang nakagisnan natin ay kapag may nagkasakit, ang mga ginamit na unan, kumot, banig at kama ay pinaaarawan din.
Muli, hindi lang sadyang alam ng mga tao na ang tawag dito ay fire bath, puwede rin nating isabuhay ang ganitong paraan kapag iniisip natin na puro kamalasan ang ating nararanasan.
5. Dahil mabisa ang fire bath, lalong maganda kung ang iba pang kagamitan ay ibibilad din.
6. Inirerekomenda rin na ang mga gamit sa kusina at gamit sa pagkain ay ibilad.
7. Mahigpit na inirerekomenda na ang mga basahan na panlinis, bukod sa dapat na labhan ay dapat ding ibilad sa sikat ng araw.
8. Ganundin ang mga gamit sa salas, sala set o mga upuan, lamesa at iba pa.
9. Ang mga bagay na puwedeng ibilad ay dapat na ibilad.
Ikaw mismo, ayon ba sa iyo ay minamalas ka? Narito ang mga puwede mong gawin.
Ibilad mo ang iyong mga sapatos at sandals, mga bag, damit, wallet at huwag na huwag mong kalilimutan na kailangan mo ring magbilad sa sikat ni Haring Araw. (Itutuloy)




Comments