top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Pagbabawal sa aplikante na sumali sa unyon para tanggapin sa trabaho, labag sa batas

Dr. Persida V. Rueda-Acosta
Nov 18, 2019
2 min read

Dear Chief Acosta, Kasalukuyan akong nag-a-apply ng trabaho sa pabrika sa aming probinsiya. Nabanggit sa akin ng kasama kong naghihintay noong ako ay nakapila para sa aking interview na sa kumpanya raw na ‘yun ay karaniwang pinapipirma ang mga empleyado na nagsasabing hindi sila sasali sa anumang unyon o organisasyon. Hindi ko sigurado kung totoo ‘yun. Gayunman, nais kong malaman kung tama o legal ba na gawin ‘yun ng employer? — Domingo

Dear Domingo, Mayroong mga panuntunan sa ating batas kaugnay sa mga maaari at hindi maaaring gawin ng mga manggagawa at employer. Ang mga panuntunang ito ay mahalaga upang mapanatiling maayos ang relasyon sa pagitan nila. Ang hindi pagtalima sa mga panuntunan ay maaari ring magbunga ng paglabag sa batas.

Ang isa rito ay ang panghihimasok sa karapatan ng mga manggagawa na sumali o umanib sa organisasyon o samahan o ang pagpigil o pagpilit sa kanila na gamitin ang naturang karapatan. Batay sa ating Labor Code of the Philippines:

“ART. 259. [248] Unfair labor practices of employers. – It shall be unlawful for an employer to commit any of the following unfair labor practice:

(a) To interfere with, restrain or coerce employees in the exercise of their right to self-organization;

(b) To require as a condition of employment that a person or an employee shall not join a labor organization or shall withdraw from one to which he belongs; x x x”

Sa sitwasyon na iyong nabanggit, maaaring masabi na isang uri ng unfair labor practice sa bahagi ng employer ang pagpapapirma sa mga empleyado ng kasunduan o kasulatan na nagsasabing hindi sila sasali sa anumang unyon o organisasyon kung totoong gawain ito ng kumpanya na iyong in-apply-an ng trabaho. Ito ay isang uri ng panggigipit sa karapatan ng mga manggagawa na makianib o maging kabilang sa organisasyon na kanilang naisin. Kaya ito ay tinatawag din na Yellow-Dog Contract.

Ayon sa Labor Relations and Law on Dismissal with Notes and Comments ni Dean Salvador A. Poquiz, (Labor Code of the Philippines, Volume II, page 220, par. 2), “Yellow-dog contract implies that any person who signed such contract was a cowardly dog because he had abandoned his guaranteed rights to self-organization under the Constitution. He becomes subservient, like a dog” (Taylor, Labor Problems and Labor Law, 395).

Maliban sa nabanggit, makakategorya rin na interference o pakikialam o paghadlang sa naturang karapatan ng manggagawa ang mabusising pagtatanong ng mga detalye tungkol sa kanilang pagiging kabilang sa unyon at/o kanilang mga aktibidad sa nasabing organisasyon at ang hindi pagbibigay ng benepisyo o prebilehiyo na karaniwang ibinibigay sa empleyado bunsod ng kanilang pagiging kabilang sa isang organisasyon o pagtangkilik sa anumang aktibidad ng unyon.

Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page