Matapos mahuli sa akto.. Mister, pinagbabaril ng kabit ni ‘Misis’

Sugatan ang isang tricycle driver matapos barilin ng kalaguyo umano ng kanyang kinakasama nang mahuli niya ang mga ito na kapwa nakahubad sa isang abandonadong bahay sa Bgy. Addition Hills, Mandaluyong City, kamakalawa ng gabi.
Nagtamo ng tama ng bala sa tuhod ang biktimang si Adonis Lupido, 32.
Pinaghahanap na ng mga awtoridad ang suspek na si Kevin Orosa.
Sa ulat ng Mandaluyong City Police, alas-11:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa Avocado St., Welfareville Compound, Bgy. Addition Hills.
Nauna rito, nagtungo umano sa naturang lugar ang biktima upang hanapin ang kanyang live-in partner.
May nakapagsabi umano sa kanya na nakikipag-inuman ang babae kay Orosa sa loob ng isang abandonadong dalawang palapag na bahay sa naturang lugar kaya agad siyang nagtungo roon.
Gayunman, pagdating niya sa ikalawang palapag ng bahay ay nakita niya si Orosa at kanyang kinakasama na kapwa nakahubad.
Kinumpronta niya ang mga ito at doon umano kumuha ng baril ang suspek at nagpaputok ng warning shot sa biktima. Pinayapa naman ng biktima ang suspek saka ito itinulak bago tumakbo.
Pero, ilang ulit pa umano siyang pinaputukan ng suspek hanggang sa tamaan siya ng bala sa kaliwang tuhod.





Comments