top of page
Pokwang.jpg

E-Painters, kinalos ang Bolts, health / family first kay Kramer

ATD
Nov 18, 2019
2 min read

Photo: PBA Images (left)/ Team Kramer (right)

Ipinakita ng Rain or Shine Elasto Painters ang tikas sa kanilang huling laro sa elimination round ng PBA Governor’s Cup matapos pagulungin ang Meralco Bolts, 83-81 kagabi sa Araneta Coliseum.

Nagtala si import Richard David Ross ng 26 points at 12 rebounds upang akbayan ang E-Painters sa kanilang pang-4 na panalo sa 11 laro. Bumakas si Rey Nambatac ng 24 puntos at 4 assists para sa ROS.

Parehong naging masigasig sa laro ang dalawang koponan kaya hindi masyadong nagkaiwanan sa unang dalawang periods, abante ng 1 puntos ang Meralco, 42-41 sa halftime.

Nagpatuloy ang pananalasa ng E-Painters upang silatin ang pinapaborang Meralco at ipalasap ang pangatlong talo sa 11 salang. Pero kahit yumuko, swak na sa susunod na phase ang Bolts.

Samantala, hangga’t malakas pa at wala pang nararamdamang sakit sa katawan ay nagdesisyon si Phoenix big man Doug Kramer na magretiro sa paglalaro ng basketball sa PBA.

Taas noo si Kramer nang sabihing magreretiro siya na healthy ang katawan at pag-iisip. “I’m very strong physically. I can still take the banging. But parang naging notion na kasi for almost every basketball player, will you wait till something is really painful until you give up, until puro pain killer ka na lang. I’m not like that,” saad ni Kramer matapos ang kanyang huling laro noong Biyernes laban sa Blackwater.

Naglaro ng 12 seasons si Kramer sa PBA, kung saan siya ang fifth overall pick noong 2007 draft ng Air21 Express. Nakapaglaro si Kramer sa Barangay Ginebra, Rain or Shine, Powerade, Barako Bull, Petron, NorthPort, at huli ang Phoenix.

Ayon kay 6-foot-5 center mula sa Ateneo, plano niyang isabit ang kanyang jersey sa kaagahan ng taon.

“I wanted to announce it, no. 1 because parang no-bearing na yung game and I wanted the fans to know also that it was my last game. There were some fans that came out and said their goodbyes.”

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page