Hirit ng Kongreso.. Vape, ipagbawal sa menor-de-edad

Itinutulak na ma-regulate ang paggamit ng electronic cigarettes o vape at ipagbawal ito sa mga menor-de-edad kasunod ng naitalang unang kaso ng vaping-related injury.
Matatandaang, isang 16-anyos na babae sa Visayas ang naiulat na nagkaroon ng lung injury o electronic cigarette or vaping-associated lung injury (EVALI) dahil sa paggamit ng e-cigarette sa loob ng apat na buwan mula noong Marso.
Nahirapan umanong makahinga ang babae kaya naospital. Diin ni House Deputy Majority Leader Rep. Bernadette Herrera-Dy, maituturing nang banta sa kalusugan ngayon ang vaping kaya makatwirang magkaroon ng mabigat na pagtugon dito ang gobyerno.
Sa ilalim ng ihahaing panukalang-batas ni Dy, pagbabawalan ang mga menor-de-edad na bumili ng vape products at ang vape juice flavors ay palilimitahan na lang sa tobacco at menthol.
Nauna nang lumabas sa isang British study na ang mga chronic smoker na lumipat sa paggamit ng vape ay nakaranas ng pagbuti ng kanilang cardiovascular health.
Pero nagbabala ang Department of Health na ang e-cigarette ay maaari pa ring magdulot ng lung-related death at mga sakit.
Tinukoy pa ng DOH na mula sa pag-aaral ng Estados Unidos, may panganib na magkaroon ng EVALI ang gumagamit nito.
Sa tala ng US, mayroon nang 42 indibidwal ang namatay habang 2, 172 ang nagkasakit dahil sa paggamit ng e-cigarette.
Nauna na ring inirekomenda ng DOH ang total ban sa e-cigarette products sa Pilipinas.





Comments