Crush na BFF, makakatuluyan dahil swak ang birthdate at zodiac sign
- Maestro Honorio Ong
- Nov 17, 2019
- 2 min read
Dear Maestro, May crush ako at tawagin na lang natin siyang Marvin. Magkaibigan kami, pero hindi pa niya ako nililigawan. Gusto kong malaman kung darating din ang panahon na liligawan niya ako, lalo na kapag nalaman niyang crush ko siya.
May chance kaya na kami ang magkatuluyan balang-araw kung sakaling magiging kami? June 9, 1996 ang birthday ko at October 15, 1994 naman ang crush ko.
Umaasa, Lailainie ng San Juan, Morong, Rizal
Dear Lailainie, Ang zodiac sign mong Gemini at Libra naman ang crush mo ay compatible sa isa’t isa. Ayon sa Western Astrology, kapwa kayo nagtataglay ng elementong air o hangin. Ibig sabihin, suwetung-suweto kayo sa isa’t isa, kaya anumang araw mula ngayon, posibleng ang inyong pagkakaibigan ay tulad ng marikit na bulaklak na kalilitaw pa lamang sa sanga na unti-unti na ring bumulas, lumago at mamumukadkad hanggang sa mauwi sa wagas at nakakikilig na suyuan.
Samantala, sa aspetong Numerology, ang birth date mong 9 at 15 o 6 (1+5=6) naman sa iyong crush ay nagpapatunay din kung impluwensiya ng mga numero ang tatanungin, kung paanong tugma kayo sa Astrology tulad ng nasabi na compatible kayo sa numero dahil ang numero n’yong 9 at 6 ay parehong nasa series of 3-6-9.
Habang umuusad ang panahon, hindi maiiwasang magkahulugan kayo ng loob hanggang ang nasabing matamis at matimyas na ugnayan ay tuluyan na ring mabubuo bilang wagas at masarap na pagmamahalan na tinatayang magaganap ngayong taon.
Ibig sabihin, kung walang girlfriend ang crush mo at wala ka namang boyfriend, tiyak ang magaganap, darating ang saktong panahong kayo ang magiging magkasintahan at ito ay tinatayang magaganap ngayong buwan ng Nobyembre o Disyembre at sa bandang huli ay malaki ang tendency na kayo na rin ang magkakatuluyan upang pagsaluhan ang wagas na pagmamahalan habambuhay.




Comments