Pera, credit cards, etc. tinangay.. Delivery rider ng fastfood akyat-bahay
- BRT
- Nov 16, 2019
- 1 min read

Nagbabala ang pulisya laban sa umano’y food delivery rider na modus ang pagiging akyat-bahay.
Sa CCTV footage na kuha sa Bgy. 595 sa Maynila noong nakaraang linggo, nahagip sa video ang motorcycle rider na dumaan bandang alas-3:00 ng madaling-araw sa Road 4.
Bahagya itong lumagpas at pumarada sa labas ng isang gate na nakabukas hanggang sa nagpalakad-lakad sa lugar.
Pagtapat sa gate, tinakpan nito nang bahagya ang kanyang mukha dahil sa napansing CCTV, saka ito pumasok sa gate.
Makalipas ang ilang minuto, lumabas ang rider at mabilis na umalis tangay na ang wallet ng isang tenant sa 4th floor na naglalaman ng pera, ID at credi card.
Noong Lunes ng madaling-araw, nahuli ang lalaki na kinilalang si John Pingol habang nanloloob muli sa isa pang bahay.
“Allegedly, ito ay naaktuhan na pumasok sa isang compound. Nu’ng nahuli siya, ang sinasabi niya is isa siyang delivery boy ng fastfood chain,” ani Police Lt. Col. Rodrigo Soriano sa panayam.
Hinala ng pulis, part-time kawatan din ang delivery boy. Pumapasok bilang delivery boy at ang pakay talaga ay magnakaw.
Payo ng pulis sa mga nagpapa-deliver ng pagkain, huwag bigyan ng pagkakataon ang mga kawatan na mapag-aralan ang bahay at kung maaari ay abangan na lang sa gate.





Comments