top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Matatanda at may sakit na preso, palayain na habang may oras pa

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 16, 2019
  • 1 min read

Habang may ibang bilanggo na buhay-hari kahit nasa selda, meron namang kinamatayan na ang paghihintay sa pagkakataong makalaya at makapagbagong-buhay.

Kabilang sa kanila ay matatanda at maysakit. Mga napaglipasan na ng panahon dahil sa sentensiya o sa bagal ng hustisya. Hindi na sa atin bago ang mga kuwento ng ibang preso na inosente, biktima lang ng pang-aabuso ng mapepera at makapangyarihan.

Bagama’t, ‘yung iba, talagang nagkasala sa batas at kailangang bunuin ang hatol sa kanila.

Gayunman, para sa mga bilanggo na, ‘ika nga, halos nasa takipsilim na ng kanilang buhay, kalabisan ba kung bibigyan na sila ng pagkakataong makalaya at makasama ang kanilang mga mahal sa buhay?

Ilang matatandang bilanggo sa New Bilibid Prison (NBP) ang nanawagan sa Department of Justice (DOJ) na palayain na sila dahil sa kanilang kondisyon at mga karamdaman.

Tumugon naman ang ahensiya at tiniyak na ipinoproseso na ang paglaya ng mga ito at ang pinakamabilis umanong paraan ay sa pamamagitan ng Executive Clemency mula kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Napag-alamang kabilang sa pinakamatandang preso sa Bilibid ay may edad 80, habang ang ibang preso ay hindi na makalakad, may malubhang sakit o hindi na dinadalaw ng kaanak o kaibigan.

Hindi naman sa isinasantabi natin ang mararamdaman ng mga biktima o kanilang pamilya, lalo na sa mga buhay na nawala, sana, sapat na ang tagal ng panahon para sa pagpapatawad.

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page