Calago, nakahakbang sa ASBC quarterfinals
- Gerard Arce
- Nov 15, 2019
- 1 min read

Nagpamalas ng mabibigat na suntok si Filipino contender Charlie Calago ng talunin ang Sri Lankan opponent upang umusad sa quarterfinal round ng 2019 ASBC Asian Youth Boxing Championships sa Ulaanbaatar, Mongolia simula Nob. 10-17.
Itinigil ng referee ang laban sa round 1 pa lamang matapos makatanggap ng malalakas na suntok ang Sri Lankan na si Thonej Rashmika kaantabay ng kombinasyong right at left straight sa mukha dahilan upang ibigay kay Calago ang panalo sa men’s under 56kgs bantamweight division sa Round-of-16.
Sunod na makakalaban ni Calago si Malunap Pricha ng Thailand na tinalo si Seonghun Goh ng South Korea via points sa quarterfinal match. Bigo ang iba pang Pinoy pugs na makausad sa kani-kanilang asignatura sa 8-day event na nilahukan ng 180 boksingero sa 16 na bansa sa Asya mula sa tig-10 weight classes sa men’s at women’s category.
Hindi nakausad sa semifinal match ang kapatid ni 2019 Women’s Boxing Championships Women’s Featherweight gold medalist Nesthy Petecio na si Norlan Petecio sa men’s under 60kgs lightweight category matapos ihandog ang ‘Walk Over” victory kay Thakhui Noppharat ng Thailand. Bago rito ay nauna munang tinalo ng 17-anyos na tubong Davao City si Eziz Muhammetmyradov ng Turkemnistan, 3-2 sa Round-of-16.





Comments