Tres ni Subido, bumida UST vs. Ateneo sa finals
- A. Servinio / VA
- Nov 14, 2019
- 2 min read

Photo: FoxsportsPH
Pinasok ng pinakamaliit na manlalaro ang pinakamalaking buslo ng laro. Naging bayani si Renzo Subido upang magsilbing susi sa 68-65 na tagumpay ng University of Santo Tomas kontra sa University of the Philippines para makapasok sa serye ng kampeonato ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 82 kagabi sa sa napunong Mall of Asia Arena.
Walang kabang pinasok ni Subido ang tres na may 23 segundong nalalabi sa harap ng depensa ng higanteng si Bright Akhuetie para ibigay ang lamang sa Growling Tigers, 66-65. Hindi napasok nina Fighting Maroons Javi Gomez de Liano at Akhuetie ang kanilang mga tira at bumalik ang bola sa panig ng UST. Napilitang bigyan ng foul si Soulemane Chabi Yo para itigil ang oras subalit madaling pinasok ng Most Valuable Player ng liga ang kanyang dalawang free throw. Tumawag ng timeout ang UP subalit sa kasamaang palad ay hindi pumasok ang itsa ni James Spencer sabay sungkit ni Subido ng rebound at tunog ng huling busina.
Nakatikim ang UP ng 65-61 na lamang pagkatapos ng dunk ni Kobe Paras at 1:49 sa orasan. Malaking bagay ang pagkawala ni Jun Manzo na nakuha ang kanyang ika-lima at huling foul kaya linaro ng Fighting Maroons ang huling 2:33 na wala ang kanilang beteranong point guard.
Pinakita muli ni Chabi Yo ang mga numero ng isang MVP sa kanyang 22 puntos at 16 rebound. Sumunod si Subido na may 14 puntos buhat sa apat na tres. Namuno si Akhuetie para sa UP na may 16 puntos at 17 rebounds. Nag-ambag ng tig-12 puntos sina Manzo at Ricci Rivero. Maghahanda na ang UST sa kanilang epikong tapatan sa walang talong defending champion Ateneo de Manila University. Ang unang sagupaan ay ngayong Sabado sa Araneta Coliseum simula ng 4:00 ng hapon.
Samantala, nagsimula din ang aksyon sa Juniors Division sa Paco Arena sa Maynila kung saan nagwagi ang defending champion Nazareth School of National University laban sa Far Eastern University, 64-49. Sa iba pang mga laro, tagumpay ang De La Salle-Zobel sa UPIS, 84-72, panalo ang Ateneo de Manila sa Adamson University, 69-61, at pinahinto ng UST ang University of the East, 86-76. Mga laro ngayong Sabado – Araneta Coliseum 4:00 Ateneo vs. UST





Comments