Laglagan sa do-or-die match: Maroons vs. Tigers

Higit na mainit na bakbakan ang inaasahang mamamagitan ngayong hapon sa pagitan ng University of Santo Tomas at ng University of the Philippines sa kanilang do-or-die match upang pag-agawan ang huling upuan sa UAAP Season 82 Men’s Basketball Finals at makasagupa ang defending champion Ateneo de Manila University.
Sasakyan ang momentum ng kanilang 89-69 na panalo noong Linggo, nakapokus ang Growling Tigers sa muling pagbalik sa Finals mula ng huli silang nakasalta noong Season 78.
Natalo sa nakaraang laban hangad ng Fighting Maroons na makabawi upang muling maitakda ang tapatan nila ng kapitbahay sa Katipunan na Ateneo de Manila sa kampeonato.
Dahil sa naging panalo nila noong Linggo, nakakatatlong beses ng nanaig ang UST kontra UP mula noong eliminations ngayong Season 82.
Pero lahat ng ito ay mababalewala kung di nila matatalo ulit ngayong hapon ang Maroons.
“It won’t matter eh,” pahayag ni UST head coach Aldin Ayo sa naunang tatlong panalo nila kontra UP. “That’s an all-important game. You have to take that away [3-0 record]. We really have to win against them on Wednesday, season is on the line,” dagdag nito.
Wala silang pagpipilian ayon pa kay Ayo dahil mas mababa ang puwesto nila sa UP kung kaya kinakailangan nilang harapin ang hamong ito. Nagpapasalamat ang UP dahil tumapos silang no.2 noong elimination round na nagbigay sa kanila ng twice-to-beat advantage kaya buhay pa hanggang ngayon ang pag-asa nilang makabalik ng Finals.
“Yun nga ang sinasabi ko sa kanila - we were blessed enough,” ani coach Bo Perasol.
Samantala sa women’s division, susubukan ng 4th seed FEU na mabura ang twice-to-beat advantage ng UST upang makahirit ng do-or-die game para sa huling finals berth at tsansang makasagupa ang defending champion NU sa finals sa pagtutuos nila sa unang laban.





Comments