top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Bukod sa mga sale sa mall ‘pag weekdays, pag-aayos ng mga kalsada bawal na rin

Ryan B. Sison
Nov 13, 2019
2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Halos walang ipinagkaiba ang sitwasyon ng trapik, mapa-Holiday Season man o hindi.

Kaya habang palapit nang palapit ang Holiday Season, kani-kanyang diskarte na ang taumbayan, mga negosyante at pamahalaan para maibsan ang mala-parking lot na kalsada dahil sa trapik.

Kung napakiusapan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang mga mall owner na tanghali na magbukas at ipagbawal ang sale tuwing weekdays, sunod namang ipinagbawal ang paglalagay ng aspalto at pagpapaganda sa mga siyudad ng Metro Manila.

Una nang inanunsiyo ng ahensiya na ipinagbabawal ang weekday sale sa mga mall mula Nobyembre 11 hanggang Enero, 2020 para mabawasan ang matinding trapik na dulot ng Holiday Season.

Gayunman, siniguro ng MMDA na sakaling may emergency at kailangang ipasara ang kalsada para maayos ang mga nasirang tubo ng tubig, kable ng kuryente at programang may kaugnayan sa Build, Build, Build Program ay maaari itong payagan ng Local Government Units (LGUs).

Pabor naman ito sa taumbayan dahil anila, kung mababawasan ang trapik, mababawasan din ang sakit ng ulo at stress ng mga gustong mag-enjoy sa pamimili, pamamasyal o pagbiyahe pauwi sa mga probinsiya dahil walang masasayang na oras kapag nagsimula na silang bumiyahe.

Naiintindihan nating gustong mapaganda ang mga kalsada, pero sana ay isipin din ang hirap ng mga komyuter at motorista na sawang-sawa na sa halos araw-araw na pahirap ng trapik.

Kung tutuusin, maayos at nadaraanan pa naman ang mga kalsadang hinuhukay at pinagaganda kaya puwede naman itong ipagpaliban at ituloy pagkatapos ng holiday rush.

Samantala, paalala sa taumbayan, kapag may ginawang hakbang ang pamahalaan para solusyunan ang problema sa trapik, sabayan natin ng pagkilos at huwag tayong tumunganga lang at maghintay ng pagbabago.

‘Yung tipong todo-reklamo kapag naipit sa trapik, pero hindi naman marunong sumunod sa batas-trapiko at palaging naiiwanan ang disiplina.

Ngayong kapaskuhan, huwag sana tayong maging sakit sa ulo ng bawat isa at sa halip, magkaisa para makabawas sa malalang sitwasyon ng trapik sa bansa.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page