Roda, silver medalist sa World Snooker C’ships
- Eddie M. Paez, Jr.
- Nov 12, 2019
- 2 min read

Umakyat ang antas ng paghahanda ng Pinoy Snooker specialist na si Jefrey “Dong” Roda para sa nalalapit na Southeast Asian Games kung saan tatayong punong-abala ang Pilipinas matapos itong hiranging runner-up ng 2019 International Billiards and Snookers Federation (IBSF) World Men’s Snooker Championships sa bakbakang ginanap sa palaruan ng Starlight Resort Hotel sa Antalya, Turkey.
Limang panalo sa anim na laro ang naging tuntungan ng tinedyer mula sa Surigao para sa karangalang nakamit sa Europa. Kasama sa mga nakaramdam ng husay ng 19-anyos na produkto ng Palarong Pambansa ay ang pre-tournament favorite na si Pang Junxu mula sa China noong semifinals (7-3) gayundin sina Iraqi 5th seed Alijalil Ali noong round-of-32 sa iskor na 5-4 at si Iranian 12th ranked Siyavosh Mozayani sa resultang 5-3 noong round-of-16. Bukod sa kanila, pinag-empake rin ni Roda sina Belgian Kevin Hanssens, 6-1 at ang kababayang si Alvin Barbero, 4-1.
Si Muhammad Asif ng Pakistan ang tanging nakapagbigay kay Roda ng kabiguan at ito ay nasaksihan noong championship showdown na nagtapos sa iskor na 8-5. Ipinahayag ni Roda sa BULGAR na ito na ang huling paligsahang sasalihan niya bago sumabak sa SEAG.
Hindi naman nagpapakita ng pagpapabaya ang pambato ng Pilipinas para sa SEAG sa kabila ng karangalang natamo nang makaugnayan ng BULGAR habang naghihintay ito ng biyahe pabalik sa bansa mula sa Turkey. Aniya, “Depende pa rin po sa takbo ng bola ang tsansang magkamedal”, nang tanungin tungkol sa posibilidad na makapasok ito sa podium ng naturang biennial meet. “Hangga’t ilang oras po gusto namin magpractice kahit weekend,” dagdag pa ng manlalarong kumatawan din sa bansa noong 2017 SEA Games pero sa quarterfinals lang nakarating. Kasama niya sa pag-eensayo sina Barbero, Basil Al-shajjar at Michael Mengorio na pawang nagpunta rin sa Turkey pero hindi tumagal ang paglalakbay sa torneo. Ang mga pambato naman ng karibal ng Pilipinas sa SEAG na Thailand ay nakapagpadala ng isang manlalaro hanggang sa semis (Kritsanut Lertsatayathorn) at isa na umabot ng quarterfinals (Thanawat Tirapongpaiboon).





Comments