top of page

NCAA C’ship round simula na sa Red Lions at Knights

  • A. Servinio
  • Nov 12, 2019
  • 2 min read

Magsisimula na ngayon ang banggaan ng dalawang makasaysayang paaralan para sa kampeonato ng 95th National Collegiate Athletic Association (NCAA) sa Mall of Asia Arena. Tiyak na magiging mainit ang tapatan ng defending champion San Beda University at ng kanilang matinding karibal na Colegio de San Juan de Letran simula 4:00 ng hapon. Maraming armas na taglay ng San Beda sa pangunguna ni Calvin Oftana na hinihintay na lang na pormal na mahirang bilang Most Valuable Player ng taon. Nariyan in ang matitinik na guwardiyang sina Evan Nelle at James Canlas Kwekuteye at ang masipag na sentrong si Donald Tankoua.

Huling nagkita ang dalawa para sa kampeonato noong 2015 kung saan winakasan ng Letran ang limang sunod-sunod na korona ng San Beda. Mula noon, ang Red Lions ang naghari sa nakaraang tatlong taon subalit gagawin ng Knights ang lahat para bumalik sa tuktok ng NCAA. Sa panig ng Letran, sina kapitan Jerrick Balanza, Christian Balagasay at Tommy York Olivario ang mga nalalabi mula sa nagkampeon noong 2015 at nais nilang ipatikim din sa mga kakampi nila ang sarap ng tagumpay. Aasahan ng Knights ang mga malaking laro galing kina Larry Muyang, Jeo Ambohot, Edson Batiller at Fran Yu.

Naniniwala si Coach Bonnie Tan na ang pagwagi ng kanyang Knights sa magkasunod na do-or-die na laban kontra sa San Sebastian College (85-80) at Lyceum of the Philippines University (92-88) ay malaki ang matutulong sa kanilang serye sa Red Lions. Sa panig ni Coach Boyet Fernandez ng San Beda, sinigurado niya na ang Red Lions ay nanatiling matalas matapos ang kanilang huling laro noong Okt.17 kung saan tinalo nila ang Lyceum, 86-62. Mga laro ngayon – Mall of Asia Arena 1:00 San Beda-Rizal vs. Lyceum-Cavite (Jrs) 4:00 San Beda vs. Letran (Srs).

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page