Lola, 3 pa timbog sa shabu

Apat na hinihinalang sangkot sa ilegal na droga kabilang ang 61-anyos na senior citizen ang natimbog ng pulisya sa magkahiwalay na lugar sa Caloocan City.
Sa natanggap na report ni Caloocan Police Chief for Administration PLt. Col. Ferdie del Rosario, alas-11:55 ng gabi nang makatanggap ng tawag ang Caloocan Police Community Precinct 7 mula sa isang concerned citizen na may nagaganap umanong transaksiyon ng ilegal na droga sa Riverside Libis, Bgy. 160.
Agad rumesponde sina PCpl. Harold Medina at PCpl. Fermin Vincent Manango sa nasabing lugar kung saan nakita ng mga ito sina Edric Escopin, 22; Erlinda Perez, 61, at Maylene Abelardo, 44, na nagtatransaksiyon ng ilegal na droga.
Dinakip ang mga suspek at narekober sa kanila ang tatlong sachets ng hinihinalang shabu.
Alas-5:00 naman ng Sabado ng umaga nang madakip ng mga nagpapatrulyang tauhan ng PCP-7 sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Maj. Rammel Ebarle sa Baesa Road, Bgy. 163 si Daniel Glenn Galang, Jr., 23, matapos pumalag at murahin ang mga pulis nang sitahin kung bakit gumagala ito sa ganu’ng oras. Nakumpiska sa suspek ang isang kitchen knife at dalawang sachets ng hinihinalang shabu.





Comments