‘Yolanda’ survivors, ligtas sa trahedya, biktima naman ng korupsiyon kaya hindi makaahon

Kamakailan, ginunita ang ikaanim na anibersaryo nang pananalasa ng Bagyong Yolanda sa Kabisayaan, partikular sa Eastern Samar.
Maituturing itong pinakamalakas na bagyo na tumama sa bansa na naging sanhi ng pagkasawi ng mahigit 6,000 katao.
Sa ganitong pagkakataon, hindi maiiwasang maalala ang sakit at hirap na dinanas ng ating mga kababayan, lalo na ng mga pamilya na namatayan at hindi pa nahahanap ang bangkay, gayundin ang mga tahanang nawasak.
Anim na taon na ang nakalilipas, pero ang masaklap, hanggang ngayon ay marami pa ring biktima na walang disenteng tahanan.
Bagama’t, may mga nakatira sa ginawang pabahay ng National Housing Authority (NHA), hindi pa rin gaanong maginhawa ang kanilang buhay dahil walang kuryente at tubig.
Bukod pa rito, hirap na hirap sila tuwing tag-ulan dahil walang drainage system na nagreresulta ng pagbaha. At kapag tag-init naman, tila nililitson ang mga ito dahil sa sobrang init.
Batay sa ulat, 36 units pa lang ang nai-award ng NHA sa mga biktima ng Bagyong Yolanda at hindi natapos ang proyekto at itinigil ang paggawa noong 2017.
Kamakailan, nilinaw ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) at inirekomenda sa Ombudsman ang pagsasampa ng kaso sa 12 NHA officials dahil sa anomalya.
Gayundin, pananagutin ang mga opisyal sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials.
Samantala, nadiskubre ng mga nabigyan ng unit na kawayan lang ang ginamit na patigas kaya maaaring gumuho ang kanilang tirahan.
Gayundin, may isang pamilya na mas piniling matulog sa lumang pampasaherong dyip dahil mas ligtas pa raw doon kesa sa ampaw na bahay. Tsk!
Hindi lang ito ang nasayang na proyektong pabahay sa Eastern Samar dahil ayon sa mga residente, hindi na tinapos ang mga sinimulang pabahay at karamihan sa mga ito ay nakatengga lang.
Totoo na sayang ang bahay kapag hindi tinitirhan, pero sa totoo lang, buhay ang maaaring masayang kung patuloy na titirhan ang bahay na tinipid at maaaring gumuho anumang oras.
Hindi biro ang pinagdaanan ng mga biktima ng Bagyong Yolanda, na nadagdagan pa ng anim na taong pagdurusa dahil walang matinong masilungan.
Panawagan sa mga kinauukulan, panagutin ang mga dapat managot. Huwag nating hayaang maulit ang nangyari sa Bagyong Yolanda at mas maraming magdusa dahil sa kapabayaan ng iba.
Kung sa ganitong klase ng pabahay maninirahan ang mga biktima, hindi ba, lalo silang malapit sa kapahamakan?
Sana ay tutukan din ito ng pamahalaan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments