VP Leni, dasal ang kailangan sa war on drugs
Sa simula pa lamang ng war on drugs, sinabi na ng marami na huwag kalimutan na ang droga ay health issue at hindi lang basta krimen.
Kung ito ay problemang pangkalusugan, dapat tratuhin ito nang naaayon. Hindi binabaril ang may sakit sa halip ay ginagamot, ‘di ba? Kailanman, hindi maaaring maging gamot ang mga bala. Hindi lang basta kriminal ang adik, kailangan niya ng tulong at pang-unawa, hindi karahasan at pagkondena.
Naalala natin ang matagal na nating usapan ng taxi driver noong nagsisimula pa lang ang EJK sa bansa. “Nakakahanga ang ginagawa ng pangulo. Tama lang at nililinis niya ang lipunan mula sa salot ng droga. Dapat lang patayin ang mga adik at pusher dahil salot ang mga ito,” anang taxi driver at tinanong natin siya kaugnay ng kanyang mga nasambit, “paano kung maging adik ang inyong anak?” Sumagot ito na, “dapat lang siyang patayin.”
Sandali tayong napatingin sa kanya bago muling nagtanong na, “anak ninyo siya. Hindi ba dapat kausapin, unawain at tulungan muna ninyo ang inyong anak?” Sumagot ito na, “hindi dapat pinatatagal ang problema. Tinatapos na ito hangga’t maaari.”
Sa kabila ng patuloy na pahayag ng kapulisan at iba pang sumusuporta sa war on drugs na, “nananalo na tayo sa giyera kontra ilegal na droga kung saan napakarami nang sumuko sa pamahalaan,” bakit nagkalat pa rin ang ilegal na droga?
Bakit maliliit na tao lamang ang nahuhuli at napapatay na inaakusahang nanlaban daw? Paano ang mga sindikato sa likod nito o ‘yung tinatawag nilang bigtime drug lords? May nahuli na ba sila, kung meron ay gaano naman karami?
Nanalo na nga ba talaga tayo? Sapat ba ang bilang ng mga sumuko? Sa mga sumuko, ilan ang na-rehab o hindi na bumalik sa masamang gawain?
Sinabi ni Sun Tzu, kilalang Chinese philosopher, “ang pinakadakilang tagumpay ay ang hindi na kailangang gumamit ng giyera.” Sa madaling salita, hindi dahas kundi talino at estratehiya ang kailangan upang magtagumpay at mahanapan ng solusyon ang anumang problema.
Nang tanggapin ni VP Leni Robredo ang alok sa kanya ng pangulo na maging “drug czar” ay sinabi nitong, “alam ng pangulo ang aking paninindigan tungkol sa war on drugs. Hindi ko babaguhin ang aking paniniwala sa gitna ng pagharap sa problema ng droga. Patuloy akong magsasalita. Hindi ako tatahimik!”
Ang kanyang tinig ay mahinahon, pero malinaw at matatag ang kanyang paninindigan. Ganito ang kailangan sa panahon ng kaguluhan, karahasan, pananakot, panggigipit at pagkakani-kanya ng bawat isa. Malinaw din kay VP Leni na hindi politika ang dahilan ng kanyang pagtanggap sa ipinipilit na posisyon kundi ang malalim na pagpapahalaga sa buhay ng mga maliliit.
Sa ngayon, kailangan nating ipagdasal at tulungan si VP Leni, nawa’y biyayaan siya ng karunungan at katatagan ng Diyos.
Kasabay ng kanyang paghahanap ng tunay at mainam na solusyon sa problema ng droga ang lubos na pag-iingat na hindi siya matisod sa mga lubak na daanan.
Nawa’y sa gitna ng pagtugon sa hamon ng naturang problema ng droga, patuloy niyang ibabahagi ang pamumunong may dangal at pananampalataya.
Sa gitna ng matinding hamon at iba’t ibang problemang kinahaharap ng bansa, huwag tayong mawalan ng pag-asa at patuloy lamang tayong magdasal.
“Ang puso ko ay nagpupuri Nagpupuri sa Panginoon Nagagalak ang aking espiritu Sa ‘king Tagapagligtas
Sapagkat nilingap Niya Kababaan ng Kanyang alipin Mapalad ang pangalan ko Sa lahat ng mga bansa
Sapagkat gumawa ang Poon Ng mga dakilang bagay Banal sa lupa’t langit Ang pangalan ng Panginoon
Luwalhati sa Ama Sa Anak at sa Espiritu Santo Kapara noong unang-una Ngayon at magpakailanman.”





Comments