top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Evacuation centers, mukha lang... pero hindi rin pala safe

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 9, 2019
  • 1 min read

Nakaligtas sa lindol, patay sa evacuation center.

Nakapanlulumo ang nangyari sa isang anim na buwang gulang na sanggol na nasawi matapos ma-dehydrate habang siya at ang kanyang pamilya ay nasa evacuation center sa Makilala, North Cotabato.

Binawian din ng buhay ang isang magsasaka nang saksakin ng kanyang kapitbahay matapos mag-agawan sa trapal sa loob din ng evacuation sites.

Bukod diyan, wala ring sapat at malinis na inuming-tubig at walang maayos na pahingahan. Umaasa na lang ang mga biktima ng lindol sa rasyon at nagtitiis sa kung anuman ang maging sitwasyon sa pansamantalang tirahan. Ilan lamang ito sa mga problemang kinahaharap ng mga evacuee matapos ang anumang kalamidad — lindol, bagyo, baha, landslide o pagputok ng bulkan.

Bagama’t, pinatatag na tayo ng iba’t ibang uri ng kalamidad at nakakaya pa rin nating ngumiti at muling bumangon, mas malaking tulong sana kung kasabay nito ay ang pagkatuto.

Nakikita at nararanasan na natin ang hirap tuwing may kalamidad. Karamihan sa mga lugar na apektado ay walang maayos na evacuation center. Nagsisiksikan sa kung saan puwede — sa basketball court, plaza o eskuwelahan. Pero kung may pondo lang sana at kagustuhan na makapagpatayo ng permanenteng evacuation sites ay napakalaking kaginhawahan na ito.

Matatandaang, iniutos na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtatayo ng permanente at matitibay na evacuation centers lalo na sa mga rehiyon na madalas sinasalanta ng bagyo. Sa pamamagitan nito ay mas ligtas ang mamamayan at hindi nagagamit ang ibang gusali tulad ng mga eskuwelahan.

Ang tanong, kumusta na kaya ang proyektong ito? Sana, sa sobrang dami ng mga konstruksiyong nagaganap sa bansa ngayon, kahit isa, dalawa o tatlong permanenteng evacuation centers ay mapaglaanan din ng panahon.

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page