Trak-trak na relief goods para sa mga biktima ng lindol, kulang na kulang pa rin

Bong Revilla / Anak ng Teteng!
Noong nakaraang Martes ay personal tayong nagtungo sa Mindanao para bisitahin ang tunay na kalagayan ng ating mga kababayan na biktima ng lindol at dalawang araw at isang gabi natin silang nakapiling.
Kalunus-lunos ang sinapit ng libu-libo nating kababayan na nawalan na ng mga tahanan ay nadamay pa pati ang mga kalsada at kabuhayan na meron sila sa kanilang lugar.
Ayon sa ulat mismo ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), alas-9:04 ng umaga noong Oktubre 29 nang yanigin ng lindol na may Magnitude 6.6 ang lalawigan ng North Cotabato.
Makaraan ang dalawang araw, bandang alas-9:15 ng umaga, isang panibagong lindol na naman ang yumanig na may Magnitude 6.5 sa bahagi ng Eastern Mindanao na parehong nagdulot ng pagkawasak sa bayan ng Tulunan, North Cotabato.
Wasak na wasak din ang bayan ng Makilala at Kidapawan City na kung hindi ninyo makikita nang personal ay hindi ninyo mararamdaman ang kanilang sitwasyon na daig pa ang nasunugan.
Maluluha kayo kapag nakita ninyo na marami na sa ating mga kababayan ang kinukulang na sa pagkain bukod pa sa wala talagang matirhang bahay at karamihan ay nanghihingi na ng limos.
Nakipagkita tayo kay Davao del Sur Governor Douglas Cagas at tinulungan tayo na mamigay ng relief goods at nagpapasalamat tayo sa buong pamilya ni Gov. Cagas dahil tumulong din hanggang sa kahuli-hulihang sandali.
Ramdam na ramdam natin ang bayanihan dahil lahat ay nagtutulungan at bukod sa iba’t ibang probinsiya na nagpapadala rin ng tulong ay may mga kasama tayo sa showbiz na kung hindi man sila ang personal na namimigay ay nagpapadala naman ng tulong.
Sa totoo lang, punumpuno ang schedule natin at sa katunayan ay um-absent pa ang inyong lingkod sa Senado nang isang araw para lamang makapunta sa mga kababayan nating biktima ng lindol na labis nating pinagsisihan kung hindi natin ito nagawa.
Kaya tayo ay nananawagan dahil ang dala nating apat na truck ng relief goods mula sa Imus Productions ay parang hinipan lang, kulang na kulang para sa pangangailangan ng ating mga kababayan.
Sa ngayon ay kailangang-kailangan pa ng karagdagang pagkain, damit, tubig, tent, sabon at lahat ng mga pangunahing pangangailangan ng pamilya, lalung-lalo na ang gatas at gamot para sa mga bata.
Sabik na sabik tayo sa pagdating ng Kapaskuhan dahil ito ang unang taon na magdiriwang tayo ng Pasko na malaya dahil alam ng lahat na apat na taon at anim na buwan tayo sa loob ng Camp Crame Custodial Center.
Pero nabawasan ng bahagya ang ating pananabik dahil personal nating nakita ang sinapit ng mga kababayan natin sa Mindanao na alam nating karamihan sa kanila ay hindi makapagdiriwang ng masayang Pasko.
Sana, hindi na lang natin sila nakita nang personal para hindi tayo naapektuhan, pero kung hindi natin sila nakita, lalo tayong apektado dahil sa kaawa-awa nilang kalagayan.
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments