Lalaki, tiklo sa P6.8 milyong shabu

Umabot sa P6.8 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa hinihinalang miyembro ng isang bigtime drug syndicate na naaresto ng pulisya sa buy-bust operation sa Parañaque City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Caloocan Police Chief for Administration PLt. Col. Ferdie del Rosario ang naarestong suspek na si Bayan Ibrahim, 32, ng Bgy. San Dionisio, Parañaque City.
Ala-1:30 ng hapon nang ikasa ng mga operatiba ng Caloocan Police Station Drug Enforcement Unit sa pangunguna ni P/Capt. Deo Cabildo, kasama ang Parañaque Police sa pangunguna ni P/Maj. Anthony Alising ang bust-bust operation kontra sa suspek sa Russia St., Bgy. Don Bosco.
Matapos iabot ng suspek sa pulis na nagpanggap na poseur-buyer ang isang pack ng shabu kapalit ng P100,000 marked money ay agad itong dinamba ng mga operatiba.
Narekober sa suspek ang malaking teabag na naglalaman ng shabu na nasa 1 kilogram at nasa P6,800,000 ang halaga, buy-bust money kabilang ang limang piraso ng P1,000 tunay na pera at 95 piraso ng P1,000 pekeng pera, kotse at cellphone.
Ani PLt. Col. Del Rosario, nag-ugat ang pagkakaaresto kay Ibrahim matapos siyang inguso ng isang sangkot sa droga na unang naaresto ng mga operatiba ng SDEU sa Caloocan na kanyang source ng droga sa Parañaque.





Comments