top of page
Pokwang.jpg

Kapulisan, taob sa diskarte ng mga kriminal kaya palaging naiisahan

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 8, 2019
2 min read

Riding-in-tandem strikes again!

Namamayagpag na naman ang mga kriminal na nakamotorsiklo. Halos araw-araw ay may mga napapatay — opisyal at empleyado ng gobyerno, nagtatrabaho sa pribado, lalaki, babae, menor-de-edad, kahit sino basta target, walang kahirap-hirap na napapatay at natatakasan.

Base sa tala, mula noong 2010 ay umabot na sa 20,000 ang biktima ng riding-in-tandem. Sa datos naman ng Philippine National Police (PNP), 13,062 o 46% ng 28,409 motorcycle riding crimes na naitala noong 2010 hanggang 2017 ay insidente ng pamamaril.

Kumusta na ba ang Implementing Rules and Regulation (IRR) ng Republic Act 11235 o Motorcycle Crime Prevention Act of 2019?

Matatandaang, sa ilalim ng nasabing batas ay inaatasan ang Land Transportation Office (LTO) na magpalabas ng mga plaka na mas malaki, madaling mabasa, color-coded at ilalagay sa harap at likod ng motorsiklo. At ang nasabing mga bagong plaka ay inaasahang ilalabas pagkatapos ng December 31, 2019.

Gayunman, tutol dito ang grupo ng mga rider. Anila, delikado ang paglalagay ng mas malaking plaka dahil bukod sa walang tiyak na pagkakabitan ay baka madale rin ng hangin. Idagdag pa umano ang panibagong gastos — malaki na, dalawa pa.

Para sa atin, bukod sa puspusang pagtugis sa mga tunay na kriminal mula sa mga karnaper, snatcher, holdaper hanggang sa hired killers, ang presensiya ng mga alagad ng batas ay napakalaking tulong na para mag-alangan ang mga riding-in-tandem na gumawa ng kalokohan.

Mas patindihin ang paglalatag ng mga checkpoint, pagroronda at pagpoposte sa mga lugar na mainit sa mga mata ng kriminal.

Huwag nating tularan ang mga nakaunipormeng ginagawang hotel at bar ang presinto o hayahay sa duty dahil babad sa Facebook at Mobile Legends. Utang na loob, tigilan na ‘yan!

Sayang ang respeto at pagkakataong makapaglingkod tayo nang tapat at buo sa publiko.

Iba na ang mga kriminal ngayon, masyado na silang madiskarte kaya huwag tayong patulug-tulog sa pansitan.

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page