top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Pondong P25K sa bawat baby para sure na may pang-college, lusot na

  • Ryan B. Sison
  • Nov 7, 2019
  • 2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Kabataan ang pag-asa ng bayan.

Ito ang pinaniniwalaan ng marami, pero paano ito maisasakatuparan kung ang kabataan ay walang kakayahang mag-aral?

Kaugnay nito, lusot na sa House Committee on Higher Education ang panukalang Educational Bond Act of 2019 o House Bill 1219 na inihain ni Albay Rep. Joey Salceda. Layon nitong matiyak na mayroong panggastos ang lahat ng Pinoy sa pagkokolehiyo.

Nakapaloob din sa panukala na maglalaan ang gobyerno ng P25,000 treasury bonds para sa bawat sanggol na ipapanganak mula sa mahirap na pamilya na maaari nilang makuha pagsapit ng edad na18.

Hahatiin ito sa apat na releases sa mga benepisaryo na puwede nilang magamit sa gastusin sa paaralan kung saan pagsapit ng 18-anyos, dapat umanong naka-enroll ito sa kolehiyo at kabilang pa rin sa mahihirap na pamilya, base sa assessment ng DSWD gamit ang National Household Targeting System for Poverty Reduction.

Paliwanag pa ni Rep. Salceda, sa kabila ng Republic Act No. 10931 o Universal Access to Tertiary Education, marami pa ring kabataang Pilipino ang hindi nabibigyan ng pagkakataong makapagkolehiyo dahil sa kahirapan.

Sakaling lulusot ito sa Senado, maraming kabataan mula mahirap na pamilya ang makikinabang dito.

‘Yun nga lang, sana ay masigurado ng gobyerno na talagang mahihirap ang makikinabang at hindi ito aabusuhin ng mga may kakayahan namang bumuhay ng pamilya kahit walang tulong ng gobyerno.

Maraming magulang ang hirap na hirap at naghihikahos sa pagpapaaral kaya sana, maibigay ito sa karapat-dapat maging benepisaryo.

Maraming kabataan ang gustong mag-aral pero dahil sa hirap ng buhay, tinatalikuran ang pangarap dahil mas kailangang kumayod para mabuhay.

Huwag din sana itong maging dahilan para hindi magsikap ang mga magulang ng magiging benepisaryo para mapag-aral ang kanilang anak.

Tipong dedma na dahil may inaasahang tulong sa gobyerno.

Kapag nabigyan ng ganitong prebilehiyo, sabayan ng pagsisikap at huwag puro relaks at hintay lang ng biyaya.

Walang dahilan para hindi magsikap para mapag-aral ang mga anak dahil ‘ika nga nila, kapag gusto, may paraan at kapag ayaw, maraming dahilan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page