Maynila, 'wag nang babuyin uli!

Nais nating magpasalamat sa Diyos at sa mga kumpanya na tumupad sa pangarap nating mabigyan ng pagkakataong kumita ang mga kababayan nating Manilenyo na sina lolo at lola at ang aming mga PWDs.
Nananawagan tayo sa iba pang mga negosyante at tindahan sa Maynila na i-hire ang marami pa nating senior citizens at PWDs dahil walang magmamalasakit sa ating mga batang-Maynila kundi tayo ring kapwa batang-Maynila!
Maraming salamat sa mga foodchain na nauna nang sumunod sa ating panawagan. Ito ang dahilan kung bakit patuloy ang ginagawa nating training para sa senior citizens at PWD’s para maging kapaki-pakinabang sila sa kanilang magiging trabaho.
◘◘◘
Salamat din sa mga nagpadala ng mensahe at pasasalamat sa ginawa nating paglilinis at pagbabago sa Lawton Underpass. Masyado nang maraming taon na itong napabayaan kaya napapanahon lamang na ayusin na ito upang mapakinabangan ng ating mga estudyante at mananakay.
Nais nating hingin ang tulong ninyo na mapanatili ang kalinisan at kaayusan ng marami sa ating mga kalye, underpass at kahit overpass. Pakiusap, huwag tayong magtatapon ng basura o magdudumi sa mga daanang ito.
Magtulungan tayong lahat upang mapaganda natin ang kapitolyo ng bansa. Maraming salamat po!





Comments