Pormal nang itinalaga sa drug war.. VP Leni, moment mo na ‘to! — Palasyo
- Mylene Alfonso
- Nov 6, 2019
- 2 min read

Kumbinsido ang Malacañang na “bright enough” si Vice-President Leni Robredo na pangunahan ang kampanya ng gobyerno laban sa ilegal na droga sa bansa.
“Dahil sabi niya, hindi effective. I’m sure marami siyang naiisip na effective, oh, di pagkakataon niya na,” ani Presidential Spokesman Salvador Panelo.
“The president has appointed her and its now her call whatever she wants to do with it. My message will be congratulations! This is your time, this is your moment,” ani Panelo.
Sakaling hindi aniya tanggapin ni Robredo ang nasabing posisyon ay nangangahulugan na pawang kasinungalingan lamang ang lahat ng kanyang kritisismo.
“Oh, eh, di walang mangyayari kung i-decline. Ibig sabihin, hindi lahat totoo ang criticisms niya,” diin pa ni Panelo.
Kasabay nito, pormal nang itinalaga ni Pangulong Duterte si Vice-President Robredo bilang co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) na isa na ring cabinet position.
Batay sa liham na may petsang October 31, sa pamamagitan ni Executive Secretary Salvador Medialdea, hiniling nito kay Robredo na pamunuan ang kampanya laban sa ilegal na droga.
“I am pleased to transmit herewith your designation letter, signed by President Rodrigo Duterte, as co-chairperson of the inter-agency committee on anti-illegal drugs,” nakasaad sa liham.
Kalakip nito ang direktiba sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police (PNP) at Dangerous Drugs Board (DDB) na ibigay ang lahat ng kooperasyon nito sa Bise-presidente sa gitna ng gagawin nitong pangunguna sa drug war ng gobyerno nang hanggang June 30, 2022 maliban na lamang kung babawiin ito ng Pangulo.
“As ICAD co-chair, the VP will have a proactive role in the government’s war against illegal drugs,” ani Medialdea.
“She will have a hand in crafting the policies and programs of the government and at the same time ensure the proper implementation of anti-illegal drug operations and advocacy initiatives,” dagdag pa ni Medialdea.
Matatandaang, hiniling ng kampo ng oposisyon na maglabas ang Palasyo ng pormal na alok sa Vice-president para pamunuan nito ang kampanya ng gobyerno kontra ilegal na droga.





Comments