Mga ilegal na nagtatrabaho sa ‘Pinas — BI.. 294 Chinese sinipa pabalik ng China

Aabot sa 294 Chinese nationals ang ipina-deport ng Bureau of Immigration (BI) pabalik ng China.
Ang mga dayuhan ay dumating sa Puerto Princesa City International Airport sakay ng mga bus habang dalawang chartered flights naman patungong China ang kanilang sinakyan.
Sinabi ni BI Commissioner Jaime Morente na kabilang ang mga Chinese na ito sa mahigit 300 na una nang naaresto ng BI Intelligence Division at ng AFP Western Command sa magkakaibang hotel at establisimyento sa Palawan noong September 16.
Sinabi naman ni Fortunato Manahan, hepe ng Intelligence Division ng BI, na ang mga ito ay naaresto dahil sa kawalan ng kaukulang permit at visa.
Kasama aniya sa mga ipina-deport ang pitong menor-de-edad na kasamang nasabat sa operasyon ng BI at AFP.
Kinansela na rin umano ng Chinese government ang pasaporte ng mga ito.
Ito ang unang batch ng mga ide-deport ng BI na nahuli sa Palawan. Ayon sa BI, mayroon ding mas maliit na grupo ng 17 Chinese ang ililipad naman mula sa Maynila pabalik ng China.
Mayroon namang 11 iba pang Chinese ang may derogatory records sa National Bureau of Investigation, kaya hihintayin munang maresolba ang kaso ng mga ito bago mai-deport.





Comments