Letran, nakahakbang sa playoffs

Tapos na ang unang hakbang ng Colegio de San Juan de Letran patungo sa korona ng 95th National Collegiate Athletic Association (NCAA) matapos nilang talunin ang San Sebastian College, 85-80, sa simula ng stepladder playoffs sa Cuneta Astrodome Martes ng hapon.
Susunod para sa Knights ang Lyceum of the Philippines University ngayong Biyernes sa isa pang knockout game para malaman kung sino ang makakalaban ng defending champion San Beda University.
Unti-unting naglaho ang 17 puntos na lamang ng Letran na tinayo noong ikatlong quarter, 69-52, at humabol ang Stags sa likod nina RK Ilagan, Kenneth Villapando at Aljohn Capobres upang maging isa nalang ito salamat sa tres ni Ilagan na may 1:40 nalalabi sa laban, 80-81. Pinalayo ng bahagya ni King Caralipio ang Letran, 83-80 at nadale ang San Sebastian sa magkasunod na error nina Ilagan at Capobres.
“Kahit nagmintis ako, positibo pa rin ako at alam ko may magandang mangyayari kasi malaki ang tiwala ko sa mga kakampi ko,” wika ni Jerrick Balanza na nasa huling taon niya sa liga.Gumawa si Balanza ng 15 puntos, 6 rebounds at apat na assists. Sinundan siya ni Edson Batiller na may 14 puntos habang apat na ibang Knights ang nag-ambag ng 10 o mahigit pang puntos.
Pinasok ni Ilagan ang 13 ng kanyang 36 puntos sa huling quarter upang pangunahan ang San Sebastian. Sa kanyang huling laro sa NCAA, nagpaalam si Allyn Bulanadi sa pamamagitan ng 15 puntos at 7 rebounds.
Samantala, nakuha ng San Beda University-Rizal ang unang pwesto sa seryeng best of three para sa kampeonato ng Juniors Division sa pamamagitan ng 82-79 na tagumpay sa La Salle Green Hills. Pinasok ni Yukien Andrada ang 13 ng kanyang 23 puntos sa huling quarter upang maging susi sa panalo.
Magkikita muli ang dalawang paaralan sa Biyernes para sa karapatang harapin ang Red Cubs.





Comments