Humanda na sa game 1 ng best-of-3 PVL finals

Asahan na ang matinding salpukan at walang tigil na hatawan sa muling pagtatapat ng defending champion Creamline Cool Smashers at karibal PetroGazz Angels sa Game 1 ng kanilang best-of-three title showdown ng PVL Open Conference mamayang gabi sa FilOil Flying V Centre sa San Juan City.
Dalawang bagay ang pagtutuunan ng pansin ng powerhouse team na Cool Smashers – una ay ang makumpleto ang isang grand sweep sa komperensya at ikalawa ay makapaghiganti sa Angels na sumuwag sa kanila sa nakalipas na Reinforced Conference.
Magaganap ang tapatan ng dalawa ng 6 p.m. pagkatapos ng bakbakan para sa best-of-three 3rd placer sa pagitan ng BanKo-Perlas Spikers at Motolite ng 4:00 pm.
Ibabandera ng Tai Bundit squad ang maiinit na opensa nina national mainstays Allyssa Valdez at Morado katulong sina Michele Gumabao, Jema Galanza, Pau Soriano, Celine Domingo, Rosemarie Vargas, Risa Sato at Negrito kabilang sina liberos Melissa Gohing at Kyle Atienza na handing handa ng ipagtanggol ang kanilang korona ngayong taon.
Hindi padadaig ang grupo ni Arnold Laniog sa pamumuno nina Jonah Sabete, Jovie Prado, Cherry Nunag, Paneng Mercado, Jeanette Panaga, Cai Baloaloa, Alyssa Layug, Djanel Cheng, Relea Saet, Rica Enclona at Cienne Cruz na handing patunayan na kaya nilang magwagi ng walang tulong ng imports at muling dismayahin ang Cool Smashers sa ikalawang pagkakataon.
Mapapanod ang mga maiinit na aksyon ng live sa LIGA SkyCable Channel 86 at LIGA HD SkyCable Channel 183.





Comments