Hayskul, turuan kung paano makakapagligtas ng mga nasa kalamidad

Patuloy na tumataas ang bilang ng mga nasaktan sa sunud-sunod na pagyanig sa Mindanao kaya naman kani-kanyang suhestiyon ang taumbayan at mga mambabatas para hindi na ito maulit pa.
Kaugnay nito, isinusulong ng isang mambabatas sa Kamara na rebyuhin ang lawak ng Republic Act 10121 o Philippine Disaster Risk Reduction Management Act 2010.
Ayon kay Ang Probinsyano Partylist Cong. Ronnie Ong, dapat nang ituro sa basic education, partikular sa high school o Grades 11 at 12 ang mga karaniwang paghahanda sa kalamidad tulad ng first aid, CPR at iba pang dapat gawin.
Hindi umano dapat malimita sa apat na sulok ng silid-aralan ang pagtuturo ng disaster risk reduction and management education at mahalaga ring maituro ito sa bawat pamilya at komunidad. Dagdag pa rito, oks naman ang ginagawang earthquake drills, pero hindi ito sapat.
Paliwanag ni Ong, bagama’t, hindi palaging napaghahandaan ang kalamidad, puwedeng mabawasan ang casualties kung may kaalaman kung paano makaliligtas.
Sa totoo lang, kahit gaano karaming drills ang isagawa, balewala ito kapag nasa aktuwal na sitwasyon na dahil halos lahat ay nagpa-panic. Kung ‘yung mga rescuer ay nagpa-panic, paano pa ang mga ire-rescue?
Napapanahon nang ituro ito sa mga bata dahil kung matututunan ito nang maaga, maraming makikinabang pagdating ng panahon.
Totoong hindi natin matutukoy kung kailan puwedeng umatake ang kalamidad, pero maaaring mabawasan ang mga masasaktan kung maraming tao ang makaaalam ng mga dapat at hindi dapat gawin upang mailigtas ang kapwa.
Tulad nito, hindi natin alam kung kailan at saan magkakaroon ng kalamidad, pero ang magagawa lang natin ay magkaroon ng plano para sa panahong ito. Gawin ang plano at sabayan ng pagdarasal.
Hindi natin maitatangging maraming buhay ang nawala dahil sa hindi inaasahang pangyayari at kakulangan sa kaalaman ng basic life saving, kaya sana, ikonsidera ito ng mga kinauukulan.
Gayundin, hindi na natin maibabalik pa ang mga buhay na nawala, pero hindi natin dapat hayaang dumami pa ang masawi sa mga kalamidad. Kaya ang panawagan sa mga mambabatas, pag-aralan na ang pagtuturo ng basic life saving sa hayskul.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments