Grab, kung hindi pa ipina-media, dedma at ayaw panagutan ang naaksidenteng pasahero
- Ryan B. Sison
- Nov 5, 2019
- 2 min read

Maga ang mukha at ilang linggong hindi nakapasok sa trabaho. Ito ang sinapit ng isang pasahero ng Grab na naaksidente dahil sa umano’y kapabayaan ng drayber, gayundin, inirereklamo nito na ayaw siyang bayaran ng kumpanya sa hinihinging danyos.
Ayon sa complainant na si Carlo Roguel, sumakay siya sa Grab noong Setyembre 4 at naaksidente sa Cavite. Duguan at namaga ang kanyang mukha dahil sa lakas ng impact ng pagbangga. Kuwento niya, nawalan siya ng malay sa loob nang ilang segundo at pagdilat niya ay duguan na siya at napakasakit ng kanyang mukha.
Bago ang aksidente, napansin umano ng biktima na distracted ang drayber dahil may pinanonood itong video sa cellphone.
Ginamit umano niya ang sariling medical insurance para sa pagpapagamot at ilang linggo nang hindi nakapasok dahil sa pamamaga ng mukha sa aksidente.
Sinubukan ni Roguel na humingi ng danyos sa Grab dahil sa lost wages at gastos sa treatment, pero tila wala umanong balak managot ang kumpanya.
Nang lumapit si Roguel sa isang programa sa TV, saka lamang sumagot ang kumpanya at nilinaw na sasagutin ng Grab ang pagpapagamot, pero ang driver at operator ang dapat hingan ng danyos.
Mabilis itong kumalat sa socmed na umani ng reaksiyon mula sa mga netizen at ilang Grab user. Maraming nagsabi na i-boycott ang Grab dahil napakataas na ng pamasahe, palpak pa ang ilang drayber, gayundin, napakahirap higan ng tulong kapag naperhuwisyo ang pasahero.
Kung sa biyahe pa lang ay distracted na ang drayber, malinaw na may pagkakamali at dapat ding maging responsable rito ang kumpanya.
Kapag may naiulat na aksidente at nasaktang pasahero, aksiyunan agad at huwag nang paabutin pa sa media dahil kasiraan din ito ng kumpanya.
Marami pa ring tumatangkilik sa Grab kahit hindi maitatangging tumaas na ang pamasahe nito kaya sana, ibigay ang tamang serbisyo sa mga pasahero dahil nagtitiwala sila sa inyo.
Paalala sa mga kumpanya, huwag puro kabig ng porsiyento sa bawat biyahe, maglaan din ng pondo na gagastusin sa mga aksidente dahil kung tutuusin, kaligtasan at seguridad ng mga pasahero ang isa sa mga dapat gawing prayoridad.
At please lang, kapag may pagkakamali, panagutan at huwag takbuhan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments